NAGSIMULA na ang madalas na pag-ulan nitong buwan ng Hulyo. Ang mga pag-ulan ay nagaganap tuwing hapon. At palibhasa’y panahon pa ng Habagat, malakas ang nagiging mga pag-ulan, na nagiging dahilan ng mga pagbaha lalo na sa mga mababang lugar. Lubog sa baha ang mga kalsada. Lampas bukong-bukong ang taas ng tubig.
Kung malakas ang pag-ulan at matagal, hanggang tuhod na ang taas ng tubig. Marami na tayong mga apektadong kababayan ng pagbaha. Pinapasok ng tubig-baha ang loob ng bahay lalo na ang mga nasa tabi ng kalsadang binaha. Ang mga bahay na may dalawang palapag, ang flooring sa unang palapag ang apektado ng pagbaha. Dahil sa nagaganap, kung malakas ang pag-ulan ay nagtataas na ng mga mahalagang gamit at kasangkapan ang mga may-ari ng bahay sa ikalawang palapag ng kanilang bahay.
Sa panahon ng malakas na mga pag-ulan, maraming bayan sa Rizal ang apektado. Sa Taytay, Rizal, binabaha ang bahagi ng Rizal Avenue sa loob ng bayan, ngunit nadaraanan pa naman ito ng mga pasahero kung mababa pa ang tubig-baha. Ngunit kung lampas-tuhod na ang taas ng baha, paralisado na ang biyahe ng mga passenger jeep na mula sa Angono at Binangonan. Kung may pumapasada man na ilang passenger jeep ay hanggang sa bukana lamang ng bayan ng Taytay ang biyahe at bumabalik na sa Angono at Binangonan. Kapag nagpatuloy ng biyahe sa loob ng bayan ng Taytay at lakas-loob ang driver ng passenger jeep na dumaan sa baha, asahan na ang pagtirik ng kanilang sasakyan. Dahil dito, wala nang bumibiyehe sa loob ng bayan ng Taytay. Iwas na sa abala at perhuwisyo ang mga jeepney driver. Hinihintay na lamang nilang mag-subside o bumaba ang baha bago sila pumasada ulit.
Sa Cainta, Rizal, ang Cainta junction at bahagi ng Ortigas Avenue extension ang apektado ng baha at pag-apaw ng tubig sa ilog ng Cainta. Nadaraaanan ito ng malalaking sasakyan, ngunit kung mataas na ang tubig, wala nang dumaraang mga sasakyan. Ang biyahe ng passenger jeep mula Angono at Binangonan ay hanggang Kay Tikling junction na lamang sa Taytay. Ang mga passenger jeep naman na mula sa Antipolo ay sa Marcos Highway na dumaraan upang makarating sa Sta. Lucia, Cainta at sa Marikina City.
Ang mga naninirahan naman sa mga barangay sa San Mateo, Rizal at Montalban na nasa tabi ng ilog ang karaniwang apektado kapag bumaba at tumaas na ang tubig sa ilog na mula sa Montalban patungo sa ilog ng Marikina. Ang mga naninirahan sa mga barangay ay inililikas sa mga school building sa San Mateo at sa barangay hall.
Sa panahon ng tag-ulan, ang mga nangyayari sa mga taga-Rizal ay nararanasan din ng iba nating kababayan sa mga lalawigan lalo na ang mga dinaraanan at tinatamaan ng bagyo. Matapos ang bagyo, nawawasak ang kanilang mga tahanan. Nalulugmok sa kahirapan. Lumpo ang kabuhayan. At ang malungkot na pangyayari, nawasak na ang kanilang tahanan ay namatayan pa sila ng mahal sa buhay dahil sa pananalasa ng bagyo. Hindi na malilimot at masasabing halimbawa ang pananalasa at hagupit ng bagyong “Yolanda” sa mga kabababayan natin sa Eastern Visayas. Mahigit na anim na libo ang namatay na ang iba’y hindi na nakita at nalibing sa putik.
Mahaba pa ang tag-ulan. At karaniwan ang pagkakaroon ng mga bagyo. May malakas at mahina. At kapag sinabing may bagyo, ang mga kababayan natin sa lalawigan na maaaring daaanan at hagupitin ng malakas na hangin at ulan ay saklot na ng takot at pangamba.
Sa panahon ding ito nagkakaisa sa pananalangin ang mga Pilipino na wala na sanang maganap na mga malaking pagbaha. Kung may bagyo, sana ay maligtas sa pinsala ang ating mga kababayan na nakatira sa mga lugar na madalas daanan ng bagyo.
-Clemen Bautista