Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:30 n.h. -- Rain or Shine vs Globalport
7:00 n.g. -- Magnolia vs Alaska
INAASAHANG gagamitin ng top two seeds Rain or Shine at Alaska ang taglay nilang insentibo kontra sa kanilang mga katunggali upang makamit ang unang dalawang semifinal berths sa pagpapatuloy ngayong hapon ng 2018 PBA Commissioners Cup quarterfinals sa Araneta Coliseum.
Nagsimula na kahapon ang playoff round sa pamamagitan ng dalawang pares ng best-of-three series tampok ang third seed TNT Katropa kontra 6th seed at defending champion San Miguel Beer at ang 4th seed Meralco laban sa 5th seed Barangay Ginebra.
Taglay ng Elasto Painters at Aces ang bentaheng twice to beat matapos na makopo ang No. 1 at 2 spot, ayon sa pagkakasunod sa pagtatapos ng elimination round.
Makakatapat ng ROS ang tumapos na No. 8 squad Globalport sa unang laban ganap na 4:30 ng hapon habang makakatunggali naman ng Alaska ang 7th seed Magnolia.
Tatangkain ng dalawang top seed teams na duplikahin ang naitala nilang panalo kontra sa kani-kanilang mga katunggali sa eliminations upang pormal ng umusad sa Final Four.
Tinalo ng Elasto Painters ang Batang Pier noong nakaraang Mayo 20 sa iskor na 96-90 habang namayani naman ang Bolts kontra Kings noong Hunyo 10, 103-99.
Ang laban ang magiging ikalawang outing pa lamang para sa balik-import ng Alaska na si Diamon Simpson na pumalit kay Antonio Campbell na kinailangang umuwi matapos ipatawag bilang bahagi ng Orlando Magic NBA Summer League team.
Sa kanyang unang laro, nagtala ang 30-anyos na si Simpson ng 18 puntos, 19 rebounds, 5 assists at 4 blocks sa 114-91 paggapi nila sa Phoenix upang makamit ang bentaheng twice-to-beat.
-Marivic Awitan