APAT na taon at walong buwan na ang nakalilipas nang hagupitin ng bagyong Yolanda ang Silangang bahagi ng Visayas noong Nobyembre 8, 2013, na kumitil sa mahigit 6,300 katao, nagdulot ng pinsala sa mga bahay, kalsada at mga tulay at iba pang imprastruktura na tinatayang nasa P95.5 bilyong halaga at nasa 5.13 milyon ang nawalan ng tirahan.
Makalipas ang ilang buwan, lumabas ang mga ulat na nananatiling walang tirahan ang mga tao, ito’y sa kabila ng P160 bilyong inilaang pondo ng pamahalaan para sa isang recovery master plan. Ngunit nitong Marso 2016, mahigit dalawang taon matapos ang Yolanda, tanging 10 porsiyento pa lamang sa planong 20,893 pabahay ang naitayo, ayon sa samahan ng mga komunidad at organisasyon ng gobyerno na tinatawag na Community of Yolanda Survivors.
Sa ikatlong anibersaryo ng Yolanda noong Nobyembre 2016, pinangunahan ng bagong halal na si Pangulong Duterte ang isang seremonya sa Tacloban. Itinaas ngayon ng pamahalaan ang target na bilang na pabahay sa 205,128 unit, bagamat ayon sa pagtataya ng National Economic and development Authority (NEDA) ay 14% lamang ang natapos.
Tila lubusan nang nakalimutan ng bansa ang Yolanda. Subalit nitong nakaraang linggo, muling naalala ang Yolanda nang isarado sa trapiko ang tulay ng Otis sa Paco, Maynila dahil sa sampung metrong uwang na naging sanhi ng pagguho ng semento. Natagpuang naninirahan sa ilalim ng nasabing tulay ang tatlong pamilya, isa sa mga ito ang galing sa Eastern Samar. Kabilang sila sa milyun-milyong nawalan ng bahay dulot ng bagyong Yolanda at nagdesisyong humanap ng bagong buhay sa Metro Manila.
Sa nakalipas na apat na buwan, si Len Calago, kasama ang kanyang asawa at dalawang anak, ay nanirahan sa ilalim ng tulay ng Otis, habang nagtatrabaho bilang drayber ng jeep ang kanyang asawa. Aniya, sinira ng landslide dulot ng Yolanda ang kanilang bahay at isang kaibigan niya ang nag-alok sa kanyang asawa na maging drayber ng jeep sa Maynila. Gamit ang isang tarpaulin upang maging harang at proteksiyon mula sa pabago-bagong panahon, ang tulay ng Otis ang nagsilbi nilang tirahan simula noong 2014. Ngunit ngayon na kailangang ayusin ang tulay, muli silang mawawalan ng tahanan.
Samakatuwid, nagpapatuloy ang trahedyang dulot ng Yolanda hanggang sa ngayon sa buhay ng mga biktima nito, katulad ni Len Calago at ng kanyang pamilya. Baka kinakailangan na ng gobyerno na baguhin at muling magbigay ng ulat hinggil sa Yolanda at ang inilatag nitong plano upang tulungan ang mga biktima. Tapos na ba ngayon ang lahat ng mga pabahay? Ano ang maaaring gawin upang matulungan ang mga biktima nito, na katulad ni Calago at ng kanyang pamilya ay patuloy na nagdurusa dulot ng kawalan ng tahanan at ang malaking kawalan ng katiyakan sa kanilang buhay?
At ang mga naninirahan sa tulay ng Otis ay bahagi lamang ng libu-libong pamilya na walang tirahan at maayos na mapagkakakitaan. Ang programang “Build, Build, Build” ng administrasyon ay maaaring makatulong sa kanila mula sa maraming proyekto na lilikha ng trabaho sa konstruksiyon at magpapaangat sa aktibidad sa ekonomiya na magbibigay ng iba pang trabaho.
Baka kinakailangan rin ng pamahalaan na lumikha ng isang plano, kasama ang mga pribadong sektor, na tututok sa paglikha ng mga trabaho upang matulungan ang mga mamamayang tulad ng mga taong naninirahan ngayon sa ilalim ng tulay ng Otis.