Nakabantay pa rin ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa posibleng maging epekto ng bagyong ‘Gardo’ sa bansa.

Siniguro ni NDRRMC spokesperson Edgar Posadas na kahit hindi direktang tatama ang bagyo sa kalupaan ay nagpatupad na rin ng precautionary measures ang ahensiya.

Nakipagpulong na rin, aniya, sila sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) at Mines and Geosciences Bureau (MGB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), upang malaman ang dapat na ihanda sa mga posibleng mangyari.

Nagbabala rin ito sa publiko, maging sa mga local government unit (LGU) sa posibilidad ng pagtama ng flashflood at landslide sa mga barangay sa anim na rehiyon sa bansa.

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

Kahapon ng hapon, nagsagawa na ng pre-disaster risk assessment ang NDRRMC at mga concern agency kaugnay ng posibleng maidulot na pinsala ng bagyo.

Sinuspinde naman ng ilang lungsod sa Metro Manila at ilang lalawigan sa bansa ang klase dahil sa bagyo.

Linggo ng gabi pa lang ay nagdeklara na ng suspensiyon ng klase ang mga ito bilang paghahanda sa maidudulot ng hanging habagat na pinaiigting ng nasabing bagyo.

Sa pahayag ng Department of Education (DepEd), walang pasok sa lahat ng antas sa Maynila, Caloocan, Malabon, Mandaluyong, Marikina, Muntinlupa, Navotas, Parañaque, San Juan, Valenzuela, Pasay, Pateros at Taguig.

Suspendido rin ang klase sa lahat ng antas sa mga lalawigan ng Abra; Angeles, Pampanga; Bataan; Balagtas, Marilao, Meycauayan at San Ildefonso sa Bulacan; Subic, Zambales; Cavite; Laguna; at Angono, Binangonan, Cainta, Cardona, Morong, Pililla, Rodriguez, San Mateo, Tanay, Taytay, at Teresa sa Rizal.

Wala namang pasok mula sa pre-school hanggang elementary sa Antipolo, Rizal; habang hanggang high school naman ang walang klase sa Magalang, Pampanga.

Madaling araw kahapon nang nakapasok sa Philippine area of responsibility (PAR) ang Gardo, na huling namataan ang mata ng bagyo sa layong 1,325 kilometro sa silangan ng Basco, Batanes, taglay ang lakas na 200 kph at may pabugsong 245 kph.

-Beth Camia, Mary Ann Santiago, at Jun Fabon