AYON kay Pangulong Duterte, napag-aralan na niya ang lahat ng mga dokumento at mga kasunduan sa pagitan ng mga rebeleng komunista at ng mga nakaraang administrasyon.
Ang maliwanag, aniya, ay nais ng mga ito na makibahagi sa kapangyarihan ng gobyerno. “Kapag binasa mo, nagtatapos ang lahat ng mga ito sa power sharing at coalition government. Ito ang direksyon ng naging usapan. Ito ang sinabi ng Pangulo sa pagbubukas ng National Science and Technology Week sa SMX Convention Center sa Davao City. “Hindi ko ito maibibigay sa inyo. Magdigmaan na lang tayo. Ang labanan ay tumagal sa 50 taon. Ngayon, sisimulan na naman natin ang panibagong 50 taon,” wika ng Pangulo.
Pero, paulit-ulit na itinanggi ng National Democratic Front Philippines (NDFP) na siyang kumakatawan sa mga rebeldeng komunista sa usapan pangkapayapaan sa gobyerno, at ng kanyang consultant na si Joma Sison na hiniling nila ang coalition government. Pinatigil ng Pangulo ang negosasyon nang humantong ang usapan sa balangkas ng Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (Caser). Isa sa mga nais sanang pagkaisahan sa Caser ay ang radikal na reporma sa lupa kung saan ang lupaing kaduda-duda ang pagmamay-ari ay kumpiskahin ng gobyerno at ibigay ng libre sa mga magsasakang walang lupa. Ang nais din mangyari sa ilalim ng Caser ay ang programang “national industrialization”, kung saan tutustusan ng mga lokal na minahan ang pangangailangan ng mga pabrika ng bansa sa halip na ibenta ang mineral ore sa labas.
Nasa ganito ring kalagayan ang negosasyong pangkapayapaan nang unang ideklara ng Pangulo ang martial law sa buong Mindanao dahil sa kinukubkob umano ng mga teroristang may koneksiyon sa ISIS ang Marawi. Ngayon, ang komunista na ang lumalabas at pinalalabas na kalaban ng administrasyon. Pero, nagmistulang wala nang isinasaalang-alang na batas sa bansa. Ang sunud-sunod na pagpatay ng mga lider ng pamahalaang lokal sa Luzon at Mindanao ay nakababahala na at maaaring gawing batayan ng pagdedeklara ng martial law, ayon kay Liberal Party President Francis Pangilinan. Nito lang nakaraang Sabado, magkasunod na pinaslang ang bagong halal na kagawad ng Zambaonga City na si Michael Magallanes at konsehal ng Kapatagan, Lanao del Sur Nassif Palawan Bansil. Binomba ang dalawang warehouse ng suspected drug lord na si Peter Lim ng Cebu.
Nauna rito ay mga pagpatay kina Tanauan, Batangas Mayor Antonio Halili, General Tinio, Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote at Trece Martires, Cavite Vice-Mayor Alexander Lubigan. Ang pagpaslang kay Mayor Halili ay iniugnay ni Pangulong Digong sa ilegal na droga. Hindi maiugnay ng mga awtoridad ang mga iba pang pagpatay sa mga komunistang rebelde. Pero, ang martial law ay pwedeng ideklara gamit ang mga dahilan na naglipana na ang krimen at droga, gayundin ang pagtatanggol ng republika laban sa banta ng komunismo. Sa paglalatag ng mga batayang ito na sunud-sunod nang nagaganap, napipinto na ang martial law.
-Ric Valmonte