SUMIKAD pataas ang inflation rate ng 5.2% nitong Hunyo, pinakamataas sa nakalipas na limang taon na ikinagulat maging ng economic managers ng administrasyon. Ibig sabihin ng implasyon (inflation) ay ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, produkto at serbisyo gayong maliit naman ang kita ng mga tao. Ang tantiya ng Department of Finance (DoF), ang inflation ay magiging 4.9%lang sa Hunyo mula sa 4.6% noong Mayo. Pero, sumipa ito at naging 5.2 porsiyento.
Ayon sa Philippines Statistics Authority (PSA), ang mabilis na pagtaas ng consumer prices ay bunsod ng pagtaas ng presyo ng food at non-alcoholic beverages at tobacco, na nagrehistro ng 6.1% growth.
Narehistro rin ang mabilis na pagtaas sa alcoholic beverages at tobacco, pabahay, tubig, elektrisidad, gas at iba pang fuels, furnishing, household equipment, transportasyon, komunikasyon at edukasyon. Subalit para sa ordinaryong mga tao na namimilipit sa taas ng presyo ng bilihin sa palengke at grocery, ang pagsikad ng inflation at pagtaas sa halaga ng mga bilihin ay bunga ng Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law ng administrasyon. Totoo ba ito DoF Sec. Dominguez, NEDA Sec. Pernia, DBM Diokno at PS Harry Roque?
Sinabi ni NEDA Sec. Ernesto Pernia, ang dahilan ng sharp rise ng mga bilihin o consumer prices ay epekto ng iba’t ibang kadahilalan, tulad ng pagtaas ng presyo ng crude oil sa international market, pagbagsak ng piso kontra dolyar, at pagtaas ng presyo ng bigas.
Alam ba ng mga Pinoy na kapag naging federal system na ang gobyerno ng Pilipinas, si Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay posibleng manatili sa puwesto hanggang 2030? Ito ay kung tatakbo pa siya at mananalo. Pero, malabo itong mangyari sapagkat nangako si Mano Digong na kapag naaprubahan ang pederalismo, agad-agad siyang magbibitiw at bababa sa puwesto. Sana.
Samakatuwid, sa sistemang pederal, maging sina dating Pangulong Ramos, Estrada, Arroyo at Noynoy Aquino ay puwedeng tumakbong muli sapagkat hindi na presidential system ang gobyerno na bawal sa dating mga Pangulo ang muling kumandidato. Ala-Mahathir ng Malaysia?
Nananalasa ang sakit na leptospirosis sa ating bansa ngayon. Mag-ingat sana ang ating mga kababayan sa paglusong sa tubig-baha na kontaminado ng ihi o dumi ng daga at iba pang hayop. May kasabihang ang kalusugan ay isang kayamanan. Aanhin mo ang milyun-milyon pisong salapi at ari-arian kung lupaypay naman ang iyong katawan?
Naghihintay ang taumbayan sa imbestigasyon at solusyon ng pagkakapaslang kina Tanauan City Mayor Antonio Halili at General Tinio (Nueva Ecija) Mayor Ferdinand Bote. Para raw napakadali ngayong pumatay ng tao at para raw nagiging pangkaraniwan na lang ang patayan sa ating bansa!
-Bert de Guzman