NAGMUNGKAHI ang Consultative Committee (Con-Com) ng maraming pagbabago sa istruktura ng pamahalaan na bumalangkas ng panukalang konstitusyon para sa binabalak na pederal na sistema, upang palitan ang kasalukuyang 1987 Konstitusyon, na nagbibigay ng mas maraming kapangyarihan sa mga rehiyon upang pamahalaan ang kanilang sarili.
Inihain ng komite ang paglikha ng 18 rehiyon—ang kasalukuyang 17 rehiyon dagdag pa ang bagong rehiyon ng Negros. Bawat rehiyon ay magkakaroon ng awtoridad para sa kanilang sosyo-ekonomikong pagpaplano, paggamit ng mga lupaing sakop, pinansiyal na pamamahala, turismo at pamumuhunan, pampublikong kagamitan at trabaho, economic zone, paggamit ng lupa at pabahay, pampalakasang pagpapaunlad, at iba pa.
Mananatili naman sa sentrong gobyerno ang pamamahala sa pambansang seguridad at pagtatanggol, pandaigdigang relasyon, pagpaplano para sa pambansang sosyo-ekonomiko, pandaigdigang kalakalan, adwana at taripa, polisiya sa pananalapi, pagkamamamayan, pandarayuhan, naturalisasyon, basikong edukasyon, halalan, agham at teknolohiya, batas at kaayusan, sistema ng hustisya, inter-regional infrastructure, pampublikong kagamitan, at iba pa.
Maging ang koleksiyon ng tiyak na buwis ay mapupunta rin sa pamamahala ng mga rehiyon, kabilang pagmamay-ari, prangkisa, pangkalikasan at buwis sa paggamit ng daan. Habang ang federal na pamahalaan ang patuloy na mangangalap ng income, excise at value-added tax, at customs duties, bagamat may makukuha pa ring bahagi ang mga rehiyon sa mga makokolektang kita. Magkakaroon din ng ‘equalization fund’, na katumbas ng 3 porsiyento ng taunang pambansang budget, upang matulungan ang mga mahihirap na rehiyon.
Dalawa sa 18 rehiyon ang naitatag na Bangsamoro at Cordillera na may espesyal na kapangyarihan at kaibang istruktura ng pamahalaan. Habang ang natirang 16 na rehiyon ay makakaroon ng kahalintulad na opisyal, isang regional governor, deputy regional governor, at regional legislative assembly.
Ang bicameral legislative system ay magkakaroon ng Senado na binubuo ng 36 na senador—dalawa bawat rehiyon—sa halip na 24 sa kasalukuyan. Habang ang Kongreso ay bubuuin ng 400 miyembro sa halip na 297 sa kasalukuyan. Sa kabuuan bilang ng mga miyembro, 160 ang manggagaling sa mga partido; 80 ang magmumula sa representasyon ng sektor ng mahihirap.
Mananatili naman ang kasalukuyang sistema ng pangulo at pangalawang pangulo, ng departamento at ahensiya.
Ilan lamang ito sa mga probisyong nakapaloob sa inihaing balangkas ng konstitusyon na binuo ng Consultative Committee, sa pamumuno ni former Chief Justice Renato Puno, na ang lahat ng mga miyembro ay itinalaga ni Pangulong Duterte. Nakatakdang isumite ang mungkahing konstitusyon sa Pangulo bago ang Hulyo 9 kasabay ng nalalapit nitong State of the Nation Address sa Hulyo 23.
Dapat ipunto na ang burador ng Con-Com ay maraming pagdadaanan. At baka kailanganin pang irebisa ng Pangulo at ng mga tagapayo nito ang ilang mungkahing probisyon. Saka pa lamang ito madadala sa Kongreso para pag-usapan sa isang Constituent Assembly (Con-Ass) at ilalatag pa ng mga kongresista at mga senador ang kanilang sariling opinyon sa maraming probisyong iminumungkahi ng Con-Com.
Anuman ang aprubahan ng Constituent Assembly, kinakailangan pa itong isumite sa mga mamamayan para sa ratipikasyon. Sa pagitan ng kasalukuyan at ng mungkahing petsa para sa ratipikasyon sa Mayo, 2019, may sampung buwan pang nalalabi para sa malawakang pampublikong diskusyon para sa mga probisyon—sa mga pagtitipon at sa pamamagitan ng media.
Sa pinakabagong survey, hindi naging maganda ang pagtanggap ng tao sa pederal na sistema ng pamahalaan. Samakatuwid, kinakailangan ang epektibong pagsisikap ng administrasyong Duterte upang makuha ang pulso ng mga tao para sa kanyang pangunahing adbokasiya sa loob ng susunod na 10 buwan.