NAGWAGI ng dalawang gintong medalya ang Philippine Canoe-Kayak Dragonboat Federation men’s national team upang tumapos na katabla ng Singapore sa pamumuno sa idinaos na 5th Asian Dragon Boat Championships noong Sabado sa Dali Bai Autonomous prefecture,sa Yunnan Province ng China.
Sumunod naman sa kanila ang host team na nagwagi sa mixed 200 meters kasama ng Myanmar na namayani naman sa mixed 500 meters.
Mahigit 200 mga paddlers mula sa walong mga bansa sa Asia ang lumahok sa nasabing event.
Ayon sa post ni nationalI coach Leonora Escollante, umani ang ating men’s team ng gold sa 200 at 500 meters matapos ungusan ang koponan ng Thailand ng 2.25 at 2.48 segundo sa mga nabanggit na events ayon sa pagkakasunod. .
Nagwagi naman ang Singapore sa women’s 200m at 500m, makaraang ungusan ang China at India ayon sa pagkakasunod.
Nakahulagpos ang dapat sana’y ikalawang gold ng China matapos silang singitan ng Myanmar na nakalamang sa kanila ng. 96 ng isang segundo sa finals ng mixed 500 meters.
Ang Asian Championships na ginanap sa China sa unang pagkakataon ay idinaraos dalawang beses sa isang taon ng Asian Canoe Federation.
-Marivic Awitan