NAPAPADALAS yata ang araw na may nalalambat na tiwaling baguhang mga pulis, ang miyembro ng counter intelligence group, na siyang natokahan ng Philippine National Police (PNP), na humuli sa kabaro nilang mga “pasaway” na pulis na maaga pa ay naliligaw na ng landas.
Ang pag-aalala kong ito sa kalagayang kinakaharap ngayon ng pangkalahatang imahe ng PNP ay mas tumindi pa, lalo na’t ito ay madalas na napag-uusapan sa mga lingguhang news forum, kung saan lumilitaw na ang mga baguhang pulis sa ngayon ang mga nagiging “pasaway” at agad na nalululong sa kurapsyon!
Gaya ng pinaka-latest sa mga pulis na nahulog sa bitag ng kapwa niya alagad ng batas, nang magsagawa ang mga ito ng entrapment operation sa may Makati. Tiklo agad ang pulis na si PO2 Jaycee Abanda, isang imbestigador na naka-assign sa Makati City Traffic Division (MCTD).
Kasama niyang natiklo ang apat na “alaga” niya na pawang mga tirador, na ang papel sa kanilang “sindikato” ay mag-spot ng kanilang bibiktimahin – kadalasan na ay mga banyagang Tsino na may negosyo rito sa bansa – na agad na dinadala sa kanyang opisina upang doon mapag-usapan kung magkano ang kaya nitong ibayad kapalit ng agarang kalayaan nito.
Ang mga “pasaway” ay agad na dinala sa opisina ni National Capital Region Police Officer (NCRPO) regional director CSupt. Guillermo Eleazar sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig. Kinilala ng mga pulis ang apat na mga tauhan ni PO2 Abanda na sina Mohalem Macapundag, 28; Muhamad Macapundag, 34; Mohalil Macapundag, 30; at Wenceslao Sevellejo, 44.
Kuwento ni Makati City police chief, Senior Supt. Rogelio Simon -- nasa kahabaan ng Nicanor Garcia street, sa Barangay Poblacion sa Makati ang kotseng sinasakyan ng negosyanteng Tsinong si Changbo Fang, nang harangin sila ng isang puting sports utility vehicle (SUV) na sinasakyan naman ni PO2 Abanda.
Mismong si Abanda ang itinuturo ng Tsino na nagpahinto ng kanyang sasakyan at agad na nanutok ng baril para buksan niya ang pinto ng kotse.
Sinabi ni Fang sa mga imbestigador na P1 milyong piso ang hinihingi ni PO2 Abanda pero napapayag niya ito na P800,000 lamang ang makakaya niyang i-produce at maibigay sa kanilang grupo.
Dito na agad na ikinasa ng mga operatiba ng PNP Counter Intelligence Group ang “entrapment operation” laban sa grupo nina PO2 Abanda, sa lugar mismo kung saan niya pinigil ang negosyanteng Tsino na si Fang.
Makikita sa mga pagkilos ng grupo ni PO2 Abanda ang pagiging AMATEUR sa paggawa ng kalokohan, na nasisiguro ko ngayon na ganap niyang pagsisisihan -- dahil bukod pa sa sibak agad siya sa pagiging pulis ay SWAK agad sila ng kanyang mga bata sa selda sa Makati City para doon humimas ng rehas na bakal!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.