PARA sa layuning makapag-ambag sa programang ‘Build, Build, Build’ ng pamahalaan, hinihikayat ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang mga construction companies na makipagtulungan sa ahensiya para sa mga programang pagsasanay.
Sa isang panayam nitong Biyernes, sinabi ni TESDA Planning Office executive director Marissa Legaspi na malaking tulong ang mga kumpanya sa mga training program ng ahensiya.
“Theories are being taught in school. But the hands-on exercise may be provided by the firms. They could also provide jobs to our trainees or graduates,” ani Legaspi.
Ilan sa mga rehiyonal na opisina ng TESDA ay nakikipagtulungan na sa ilang kumpanya tulad ng Aboitiz Construction, Golden Bay Philippines Corp., at Jorviv’s Construction.
Iginiit din ni Legaspi na maging ang mga ahensiya ng pamahalaan, lalo na ang mga kasama sa programang Build, Build, Build, ay hinihikayat na makipagtulungan sa TESDA.
“We have an existing memorandum of understing with the DPWH (Department of Public Works and Highways). They can help us provide employment to our trainees since the DPWH has a huge need for construction,” pagbabahagi ni Legaspi.
Prayoridad ngayon ng TESDA ang libreng pagsasanay o ang infrastructure-related technical and vocational education and training (TVET) lalo’t nangangailangan ang programang Build, Build, Build ng nasa 200,000 construction workers.
Ayon pa kay Legaspi, nais din ng DPWH na makakuha ng national certification (NC) ang mga skilled workers nito na ibinibigay ng TESDA.
Maaari rin umanong makipagtulungan ang TESDA sa iba pang ahensiya tulad ng DOTr (Department of Transportation), DTI (Department of Trade and Industry) at DoLE (Department of Labor and Employment), dagdag ni Legaspi.
“The DOLE, for instance, could help us identify ways to improve wages, safety and health of our workers,” aniya.
PNA