Nananatiling mailap ang hustisya para sa pamilya ng pinaslang na si Tanauan City, Batangas Mayor Antonio Halili, kahit na nailibing na ang alkalde kahapon.

Karamihan ay nakasuot ng dilaw at puti, nagsama-sama ang pamilya, mga kaanak, mga kaibigan, at constituents ng 72-anyos na alkalde sa paghihimlay sa huli sa Loyola Memorial Gardens malapit sa Tanauan City Hall. Inilibing siya bandang 3:00 ng hapon.

Nauna rito, nagsagawa ng “Walk for Justice” solidarity march ang mga taga-Tanauan simula sa Plaza Mabini, na dinaluhan ng daan-daang katao.

Bitbit ang mga placard na nasusulatan ng “Justice for Mayor Halili”, nagkakaisa ang mamamayan ng Tanauan City sa panawagan sa mga awtoridad na pabilisin ang pagresolba sa kaso ng pamamaslang sa alkalde.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Kumapal pa ang mga taong nakiisa sa martsa nang dumaan ito sa bahay ni Halili sa Josefa Village sa Barangay Sambat, hanggang sa Saint John the Evangelist Parish Church dakong 8:00 ng umaga, para sa misa.

Dinala ang labi ni Halili sa Tanauan City Hall bandang tanghali para sa public viewing at necrological service bago ang libing.

Nilinaw naman ni Joey Balba, presidente ng Barangay Secretaries League, na ang dilaw na kulay ng kanilang damit ay walang kinalaman sa pulitika, kundi dahil ito ang paboritong kulay ni Halili.

“This is non political color, yellow was the favorite color of our mayor,” ani Balba.

Samantala, hindi pa rin tukoy ng pulisya ang bumaril sa alkalde nitong Hulyo 2, bagamat iniimbestigahan na nila ang tatlong persons of interest, at dalawa sa mga ito ay may kaugnayan sa ilegal na droga.

“We cannot divulge right now [identity of persons of interest] because we are still on the process of getting evidences,” sabi ni Police Regional Office (PRO)-4A Director Chief Supt. Edward Carranza. “When we say person of interest, it is where the focus of our investigation lies so it will be very premature if we release information about them.”

Habang isinusulat ang balitang ito ay hindi pa naglalabas ng pahayag ang pamilya Halili kaugnay ng hindi pagpunta ni Pangulong Duterte sa burol o sa libing ng alkalde, bagamat ilang beses itong inimbitahan ng pamilya para linawin ang mga alegasyon laban sa pinatay na opisyal.

Una nang mariing itinanggi ng pamilya ang pagkakasangkot ni Halili sa ilegal na droga, matapos itong mapabilang sa narco-list ni Pangulong Duterte.

-Martin A. Sadongdong at Lyka Manalo