TAMANG timpla ng hiwaga, kilig, at aksiyon ang handog ng ABS-CBN sa hit 2018 Korean fantasy drama na Hwayugi: A Korean Odyssey, na pinagbibidahan nina Lee Seung Gi at Oh Seon-Yo, na magsisimula na ngayong Lunes, Hulyo 9.
Hango sa Chinese classic na Journey to the West, tampok sa serye ang kakaibang kwento ng pagmamahalan nina Son Oh-Gong (Seung Gi) at Yumi (Seon-Yo).
Ang serye ang magmamarka sa pagbabalik-telebisyon ni Seung Gi sa bansa, na nakilala ng mga Pilipino bilang leading man sa dalawang pinakamalaking Korean drama na umere sa ABS-CBN, ang My Girlfriend is a Gumiho at The Love Story of Kang Chi.
Sa istorya ng serye, mula pagkabata ay marami nang nakikitang kaluluwa si Yumi kaya hindi siya makasundo ng kanyang mga kababata.
Isang araw, makikilala niya ang pilyong imortal na si Son Oh-gong (Seung Gi), na aksidente niyang mapakakawalan mula sa pagkakakulong sa isang marble mountain. Sa oras na makalabas sila, mangangako si Oh-gong na poprotektahan si Yumi habang ito ay nabubuhay, ngunit paglalaruan niya ang bata sa pamamagitan ng pagkuha ng alaala ng kanyang pangalan mula kay Yumi.
Paglipas ng 25 na taon, magiging CEO si Yumi ng isang kumpanyang nagbebenta ng mga bahay na dala ay matinding malas. Sa naturang negosyo, magagamit niya ang kakayahang makakita ng mga kaluluwa at magagawang mapalayas ang mga ito mula sa mga bahay. Makikita niyang muli si Oh-gong, na sinusubukang makabalik sa kanyang pwesto sa kalangitan.
Maibabalik pa kaya ni Yumi ang mga alaala niya tungkol kay Oh-gong? Paano kaya poprotektahan ni Oh-gong si Yumi mula sa mga espiritung kinakalaban niya para sa kanyang kabuhayan? May sumibol kayang pag-iibigan sa pagitan ng dalawa?
Huwag palalampasin ang Hwayugi: A Korean Odyssey, simula ngayong araw, pagkatapos ng Since I Found You sa first and true home of Asianovelas, ang ABS-CBN.
Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o kaya’y bisitahin ang www.abscbnpr.com.