ANIM na bagong national junior record ang naitala ng Filipino American swimmers na kumatawan sa Team Philippines sa 42nd Southeast Asia Age Group Swimming Championships nitong weekend sa Trace Aquatics Center.
Sa kabila ng silver medal triumph, nalagpasan ni Jonathan Cook ang 12-taong marka ni Gerard Bordado (1:05.47) sa 100-meter breaststroke sa naitalang 1:03.58 sa torneo na suportado ng Philippine Sports Commission (PSC).
Kumabig lang ng bronze medal si Arbeen Miguel Thrulen, ngunit ang tyempong 27.75 segundo sa boys 13-under butterfly ay sapat na para burahin ang 11-taong marka na 28.17 segundo ng isa pang homegrown talent na si Gabriel Castelo.
Tumapo din ng bronze medal si Liaa Margarette Amoguis sa girls 13-under 400-meter individual medley, subalit ang tyempong 5:19.62 ay sapat na para lagpasan ang dating marka na 5:26.26 na naitala ni Raven Faith Alcoseba may tatlong taon na ang nakalilipas.
Umiskor din ng bagong marka ang mga homegrown talent na sina Rafael Barreto sa 16-18 boys 50-meter butterfly (25.54), Juan Marco Daos sa boys 13-under 200-meter freestyle (2:05.96) at Mishka Sy sa girls 13-under 200-meter backstroke event (2:27.34).
Nagwagi rin ng bronze medal sina Xiandi Chua, Kirsten Robyn Tan at Lady Samantha Corpuz para mahila ang kampanya ng Pilipinas sa apat na ginto, pitong silver at 15 bronze medal at higitan ang 4-9-8 performance sa nakalipas na edisyon sa Brunei.
Sa kabila nito, ikinalungkot ng ilang swimming club ang kawalan ng open tryouts para sa pagpili ng miyembro ng National Team sa naturang event.
“Kung magiging open ang selection ng national pool, mas tiyak ang tagumpay ng Philippine Team,” sambit ni Susan Papa, president ng Philippine Swimming League (PSL).
“Marami tayong magagaling na swimmers at ang mga record time nila ang magpapatunay. Pero dahil sa pagiging selective ng PSI, napipilitan silang kumuha ng US-based swimmers, kahit gumastos pa sila para may ipanlaban sa torneo,” sambit ni Papa.
Ang Philippine Swimming Inc., na pinamumunuan ni Lani Velasco, ay naninindigan na tanging miyembro lamang ng PSI ang may karapatan na maging miyembro ng National Team.
“Ang nakapagtataka, pati ang Philippine Olympic Committee (POC) selective din sa pagpili ng atleta. Kaya ‘yung mga homegrown swimmers natin kawawa talaga,” sambit ni Papa.
Isa ang swimming sa maraming National Sports Association (NSA) na dumaranas ng ‘leadership dispute’. Si Velasco ay itinalaga lamang ni PSI president Mark Joseph na kasalukuyang nagtatago bunsod ng ‘warrant of arrest’ na inilabas laban sa kanya.
Ang mga tunay na miyembro ng PSI Board ay nagsagawa ng eleksyon at nahalal si Olympian Ral Rosario ngunit, hindi ito kinilala ng Philippine Olympic Committee (POC) na pinamumunuan noon ni Peping Cojuangco.
Sa pagkapanalo ni Ricky Vargas sa eleksyon nitong Enero na iniutos ng korte, umasa ang lahat ng pagbabago at patunay ang pagkakaisa nina Rosario at Papa para mapagisa ang swimming community. Ngunit, walang aksiyon na ginawa ang POC.
Imbes na ayusin, itinalaga ni Vargas si dating IOC Representative Frank Elizalde, na pangasiwaan pansamantala ang swimming. Ngunit, hanggang sa kasalukuyan si Velasco pa rin ang nagmamando sa swimming association.
“Asan ang pagbabago. Asan ang hustisya na inakala namin sa pamunuan ni Mr. Vargas,” sambit ni Papa.
-ANNIE ABAD