Sa harap mismo ng kanyang pamilya ibinulagta ang dating barangay kagawad sa Purok 1 Cebuano, Barangay Sumilihon, Butuan City, iniulat kahapon.
Inaalam na ng mga imbestigador ng Butuan City Police Office-Station 4 (BCPO-S4) ang motibo sa insidente at ang pagkakakilanlan ng nasa likod nito.
Kinilala ng BCPO-S4 ang biktima na si Joseph Anthony L. Seno, 31, ng Purok 1 ng nasabing barangay.
Sa inisyal na imbestigasyon ng BCPO-S4, sumulpot ang hindi pa nakikilalang armado, inilarawang nakasuot ng itim na helmet, itim na jacket, itim na bonnet, sunglasses at brown na pantalon, sa bahay ng biktima at malapitan itong binaril, sa ganap na 7:45 ng umaga.
Tinamaan ang biktima sa dibdib, tiyan, at likod.
Matapos ang krimen ay tumakas ang suspek sa hindi batid na direksiyon gamit ang motorsiklo.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.
-Mike U. Crismundo