Nasawi ang dalawang katao habang anim na iba pa ang sugatan sa aksidente sa kalsada sa Purok 4, Barangay Sta. Ana, Tubay, Agusan del Norte, kahapon ng umaga.

Habang isinusulat ang balitang ito ay hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan ng mga biktima.

Gayunman, sa isang flash police report na natanggap ng regional police headquarters dito, isinugod ang mga sugatan sa Cabadbaran District Hospital sa Cabadbaran City, Agusan del Norte at Butuan City Hospital para malapatan ng lunas.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Tubay Municipal Police Station (MPS), nagmula ang puting Toyota Hi-ace Grandia van (VK6 319), na may sakay na walong pasahero, sa Surigao City at patungong Butuan City nang maganap ang aksidente, bandang 6:15 ng umaga.

OTW to Hague? Sen. Bato, spotted na sa Europe!

Ayon sa Tubay MPS, nawalan ng kontrol ang van nang sumabog ang gulong nito at sumalpok sa gilid ng kalsada, na naging sanhi ng matinding pagkasugat ng mga pasahero.

Dalawang pasahero naman ang tumilapon mula sa van na naging sanhi ng kanilang agarang pagkamatay, ayon pa rito.

Inaalam na ang pagkakakilanlan ng mga biktima.

-Mike U. Crismundo