NGAYONG Agosto na ang simula ng shooting ng action movie na Marawi, na produced ng Spring Films nina Piolo Pascual, Direk Joyce Bernal, at Erickson Raymundo.

Joyce Bernal

Ayon kay Direk Joyce, wala pa siyang eksaktong petsa kung kailan sila lilipad for Marawi.

“Hindi ko alam ang exact date, pero anytime soon lilipad na kami. Inaayos pa mga schedule ng artista, kasi hindi namin alam kung available pa silang lahat. Kasi ang tagal na naming inalok ito sa kanila noon at pumayag sila, eh, almost a year na, baka tumanggap na ng iba.

Tsika at Intriga

Gigi De Lana banned sa ABS-CBN, GMA?

“Confirmed actors ko sina Robin (Padilla), Piolo, at babalikan ko sina Ronnie Lazaro at Jasmin Curtis kung available sched nila. Marami pa, mga indie actors,” sabi ni Direk Joyce.

Hindi na matutuloy ang planong locked-in ang mga artista sa Marawi.

“Iyon sana ang plano namin pero hindi pala puwede, kasi sensitive pa rin ‘yung place, sabi mismo ng AFP (Armed Forces of the Philippines), kaya magsu-shoot kami kung kailan safe. Kaya putul-putol ang shooting namin,” pangangatwiran ni Bininibing Joyce.

Paano pinayagan ng AFP ang Spring Films na mag-shoot sa Marawi, samantalang si Direk Cesar Apolinario ay hindi pinayagan sa pelikula nitong The Marawi Story, na ini-release ng Star Cinema kamakailan.

“Actually, ngayon lang kami pinayagan. Sobrang maraming pag-uusap. Last November pa maraming talks, kaya nagtagal kami,” kuwento ng direktor.

Planong ipalabas ng Spring Films ang Marawi sa Mayo o sa Hunyo 2019, kasabay ng selebrasyon ng Independence Day.

Samantala, si Direk Joyce pala ang magdidirehe ng State-of-the-Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo 23.

“Wala pa kaming meeting, kaya wala ako makukuwento sa ‘yo,” sabi niya sa amin.

As of this writing ay ginagawa na ni Direk Joyce ang trailer ng Miss Granny, na pinagbibidahan ni Sarah Geronimo kasama sina Xian Lim at James Reid, mula sa Viva Films.

“Nag-last day ako ng Miss Granny last June 25. Gumagawa na ako ngayon ng trailer para matapos na bago ako lumipad for Marawi City,” sabi sa amin ni Direk Joyce.

-REGGEE BONOAN