MATAPOS ang paglahok sa katatapos na Malaysia Milo Open, target ngayon ng dalawang karatekas na sina Engene Dagohoy at John Paul Bejar na makaisa sa World Championship Karate tournament na gaganapin sa Madrid, Spain sa Nobyembre.
Bagama’t hindi makakalahok sa Asian Games, pursigido pa rin ang dalawang nabanggit na karatekas upang ipagpatuloy ang kanilang magandang kampanya, matapos ang kontrobersya na hinarap ng kanilang sports association nitong nakaraang taon.
“Nakakatuwa po kasi after ng mga nangyari, heto po may magandang future na po ang Karatedo, at saka lalong tumaas po ang kumpiyansa namin para lumaban,” pahayag ng team captain na Dagohoy.
Inamin ni Dagohoy at Bejar na hindi nakasama ang kani-kanilang weight category para sa Asian Games, ngunit hindi naman umano ito dahilan upang hindi na sila mag pursigi sa kanilang training.
“Sayang po kasi hindi nakasama ‘yung weight category namin, pero sa ngayon po tuloy pa rin po ang training namin kasi sasali po kami sa World Championship sa Spain,” pahayag naman ni Bejar.
Kabilang si Dagohoy sa -75kg men’s category habang si Bejar naman ay nasa -55kg men’s category na kapuwa hindi napabilang sa kategorya sa Asian games gayung tinaasahan umano ang bawat kategorya.
Ang nasabing kompetisyon sa Madrid ang siyang magdidikta nag puntos para makalahok sa 2020 Tokyo Olympic na siya ring target ng dalawa.
“Bale point system po kasi ‘yun so we’ll start from zero and from there pwede po tayo makapuwesto kasi top 50 po ang kukunin nila,’ ani Dagohoy.
-Annie Abad