Sinuspinde ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade si Office of Transportation Cooperatives (OTC) Chairman Emmanuel Virtucio at dalawa pang opisyal dahil sa umano’y kinasasangkutang korapsyon.

Sa dalawang-pahinang suspension order na nilagdaan ni DOTr Undersecretary for Administration Artemio Tuazon Jr. noong Hunyo 29, 2018, bukod kay Virtucio, suspendido rin sina OTC Executive Director Eugene Pabualan, at Finance and Administrative Division Chief/Special Disbursing Officer Wilfredo Clave, Jr.

Pinatawan ng 90-day preventive suspension ang mga ito habang nakabimbin pa ang resulta ng imbestigasyon sa nasabing usapin.

Binigyan din sila ni Tugade ng 72-oras upang sagutin ang mga reklamong inihain laban sa kanila.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nag-ugat ang suspensiyon sa 2017 audit report ng Commission on Audit (CoA) kaugnay ng P3.3-milyon pondo na na-download ng DOTr sa OTC noong Disyembre 15, 2017, para sa implementasyon ng PUV modernization program.

Sinabi sa report, nang ma-download ang pondo, kaagad na itong ipinalabas ng OTC bilang cash advances na kinabibilangan ng P2 milyon kay Pabualan at P1.3 milyon kay Clave, na umano’y idineposito sa kani-kanilang personal accounts.

Tanging P33,000 lamang naman umano ng pondo ang na-liquidate ni Pabualan habang P537,255.36 naman ang sinasabing na-liquidate ni Clave, kaya naiwang unliquidated ang natitira pang P2,729,744.64.

Ipinag-utos na rin naman ni Tugade na wala nang downloading ng pondo na isasagawa sa OTC hanggang hindi naili-liquidate ng kabuuang halaga nito.

Bukod dito, nakatuklas rin umano ang CoA ng iba pang iregularidad na nagawa umano ni Virtucio, tulad ng pagkabigo nitong mag-request ng authority na magpatupad ng bayad para sa certificates na ibibigay sa mga kalahok ng seminar at trainings na idinaos ng OTC; pagkabigong sumunod sa rules and regulations sa reimbursement ng travel expenses; penalty charges sa airline trip cancellations; pagkuha ng transportation allowances, kahit mayroon na itong transportation vehicle; travel expenses na nagkakahalaga ng P200,000 na hindi awtorisado ni Tugade; miscellaneous expenses sa mga weekend at holiday at sa mga lugar na hindi nakalahad sa travel order; at clothing allowance, kahit hindi pa naaabot ang required na anim na buwan ng rendered services.

Kinukuwestiyon din ang pag-hire ng OTC ng Service Personnel na walang technical expertise at performed regular functions ng ahensiya, at paggamit ng cash advances sa halagang P85,000 upang bumili ng common supplies.

-Mary Ann Santiago