PINUNA ng column na ito, ilang buwan na ang nakalilipas, ang mga pang-aabuso ng ilang tricycle driver sa Cabanatuan City. Nakasentro ang naturang artikulo sa kakulangan ng mga tricycle driver sa disiplina sa trapiko, ang kanilang kultura ng panlalamang sa kapwa, at ang paniningil ng labis na pamasahe. Umani iyon ng malawak na pansin at alingawngaw ng pagsang-ayon mula sa daan-daang mambabasa na ang karamihan ay mga taga-Cabanatuan mismo. Kinukondena nila ang mga pang-aabuso.
Ngayon, patuloy at lumalala pa ang mapang-abusong paniningil ng mga tricycle driver na labag sa ordinansa ng naturang lungsod na nagtatakda ng P14 pasahe kada pasahero sa unang dalawang kilometro at dagdag na P2 sa bawat kilometro. Ginagamit nilang katwiran ang batas na TRAIN at pagtataas ng halaga ng krudo. Iginigiit nila ngayon ang P30 pamasaheng singil kahit isang kilometro lang ang biyahe, at higit pa para sa karagdagang distansiya. Iniinsulto at sinisigawan pa nila ang mga pasaherong ayaw silang patulan.
Dapat harapin na ng awtoridad ng Cabanatuan ang isyong ito bago pa lumala at mauwi sa disgrasya. Mga santo lamang ang hindi nauubusan ng pasensiya. Kahit nga mga taong walang respeto sa sarili ay naiinsulto rin. Makatutulong kung kukunin ng mga biktima ang numero ng plaka ng tricycle nilang sinakyan at ireklamo sa awtoridad. Kailangan ding muling turuan ng LTO ang mga abusadong driver na ito bago sila bigyan ng bagong lisensiya.
Kamakailan, pinanumpa ni La Union Gov. Francisco Emmanuel Ortega III ang mga opisyal at miyembro ng Solid Duterte Supporters Group (SDSG) Chapter sa kanilang lalawigan. Pinangunahan ito ni Dominador Maglaya bilang provincial chairman. Nasa 3,000 umano ang kasapi nito.
Ayon kay Games and Amusement Board Commissioner Mar Masanguid ‘founder’ at pambansang pangulo n SDSG, layunin ng samahan na bigyan ng matibay na suporta ang adbokasiya ni Pangulong Duterte sa mahusay na ‘public governance.’ Na nakita rin niya kay Gov. Ortega.
Target ngayon ng SDSG ang mga bagong tsapter sa Metro Manila, Southern Tagalog, at Bicol. Nasa 15,000 ang miyembro at puwersa ng SDSG na kasapi ng mga tsapter nila sa Cordillera Autonomous Region, Nueva Ecija, Marikina, Mandaluyong, Valenzuela, Cavite, Visayas, at Mindanao.
Sa Hulyo 31, 2018 ang Midyear Conference at halalan ng mga bagong pamunuan ng Publishers Association of the Philippines, Inc. (PAPI) na gaganapin sa Bulwagang Plaridel ng National Press Club, Magallanes Drive, Intramuros, Maynila. Kasalukuyang pinamumunuan ni Nelson Santos ang PAPI
-Johnny Dayang