Magsasagawa ng masusing pag-aaral ang Philippine National Police (PNP) sa panukalang isali ang mga alkalde sa isasagawang vetting process o paghimay sa listahan ng mga pulitikong sangkot sa illegal drug trade.
Reaksiyon ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa pagkaalarma ng Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP) sa magkasunod na pagpatay kina Tanauan City, Batangas Mayor Antonio Halili at Gen. Tinio, Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote nitong Lunes at Martes.
Ayon kay Roque, ipinarating na ng ULAP sa pamahalaan ang kanilang hinaing matapos silang makipagpulong kina Department of Interior and Local Government (DILG) OIC Secretary Eduardo Año at PNP chief Director General Oscar Albayalde.
“Inilabas din po nila iyong concern nila tungkol po doon sa vetting process d’yan sa mga narco-lists at kung ano iyong proseso para maalis iyong ilang mga personalidad na wala naman pong basehan na mapasaloob doon sa mga narco-list na ‘yan,” pahayag ni Roque.
“Nangako naman po si Secretary Año at si Chief PNP na pag-aaralan iyong mga concerns na ibinigay ng ULAP sa kanila, at magpapatuloy po ang dayalogo sa panig po ng DILG, ng PNP at ng ating mga local officials,” pagpapatuloy pa niya.
Nais, aniya, ng ULAP na sumali sa vetting process ang mga lokal na opisyal dahil kasama rin sila sa narco-list.
“Alam din nila kung sino talaga iyong mga involve sa kanilang mga lugar at ‘yan naman po ay pag-aaralan. Sabi nila may mga political reasons din. Why some would want some names to appear, and they also want a role kung mayroong pangalan na pinapaalis?” paliwanag ni Roque.
Binigyang-diin din ni Roque na hindi ikinokonsidera na isang hit list ang narco-list dahil wala naman umanong nag-uutos na patayin ang mga ito.
-Argyll Cyrus B. Geducos