Sa kabila ng mga naunang deklarasyon ni Communist Party of the Philippines (CPP) founder Jose Maria ‘Joma’ Sison, nananatiling bukas ang administrasyong Duterte sa posibileng pagpapatuloy ng peace talks sa komunistang grupo.

Ito ang ipinahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque halos isang linggo matapos sabihin ni Sison na hindi na makikipag-usap para sa kapayapaan ang mga rebelde sa ilalim ng liderato ni Pangulong Rodrigo Duterte, at sa halip ay susuportahan ang mga pagsisikap na mapatalsik siya.

Sa Facebook post, sinabi ni Roque na handa ang gobyerno na magdaos ng usapang pangkapayapaan sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) basta’t sumunod sila sa mga naunang kondisyon na inilatag ni Duterte.

“The door for peace talks remains open provided that PRRD’s conditions are met: [it will be held] in [the] country, no collection of revolutionary tax, no hostilities, NPA fighters to remain encamped, and no coalition government.,” paskil ni Roque nitong Miyekules ng gabi.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Idinagdag niya na maaaring isulong ng local government units ang localized peace talks alinsunod sa mga patnubay na napagkasunduan ng Cabinet cluster on security.

Nag-post si Roque ng live social media updates mula sa joint command conference kasama ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at ang Philippine National Police (PNP), nitong Miyerkules ng gabi.

Sa kanyang press briefing sa Palasyo kahapon, sinabi ni Roque na hindi pa rin nagbabago ang isip ng Pangulo kaugnay sa pagsusulong ng kapayapaan sa bansa.

“Tutuloy tayo sa localized peace talks. Matitingnan natin kung ang tao na parang 30 anyos na atang wala sa Pilipinas ay may impluwensya pa sa troops on the ground,” ani Roque, na ang tinutukoy ay si Sison.

Magpupulong ang Cabinet cluster on security sa Hulyo 12 para isapinal ang guidelines para sa localized peace talks.

DEDMA na

Sinabi rin ni Roque na nagpasya ang pamahalaan na dedmahin na si Sison dahil naging “completely irrelevant” na siya sa peace talks.

“It will now be a policy. Dededmahin ko na ‘yan si Joma Sison, because he ceased to be relevant now that wala na tayong peace talks,” ani Roque.

“If I were to comment, I’m going to make news out of their propaganda so I will let it remain as propaganda,” dugtong niya.

-Argyll Cyrus B. Geducos at Genalyn D. Kabiling