BUMAGSAK ang krimen, ayon sa National Capital Region Office (NCRPO), ng 25 porsiyento dahil sa pagpapairal ng madaugong war on drugs sa pagitan ng Enero at Hunyo ng taong ito, kumapara sa parehong panahon noong 2017. Kasi, ayon pa sa NCRPO, ang mga gumagamit ng droga ang mga nasa likod ng krimen. Nagagawa nila ito dahil lulong sila sa droga o nangangailangan sila ng pondo para gastusan ang kanilang bisyo.

Hindi ito ang magpapakalma sa mamamayan. Nababahala sila sa sunud-sunod na pagpaslang na nangyayari ngayon. Pagkatapos mapatay sina Mayor Samsundin Dimaukom ng Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao noong Oktubre 2016; Rolando Espinosa ng Albuera, Leyte noong Nobyembre 2016; Reynaldo Parojinog, Sr. ng Ozamiz City, Misamis Occidental noong Hulyo 2017, isang araw lang ang pagitan sa pagpatay kina Mayor Antonio Halili ng Tanauan, Batangas; at Ferdinand Bote ng General Tinio, Nueva Ecija.

Bukod diyan, pinatay din ang tatlong pari, piskal, abogado at iba pang opisyal ng gobyerno. Maliwanag na ang nasa likod nito ay determinado sa kanyang layunin. At anuman ang iyong pag-iingat at palibutan mo man ang iyong sarili ng mga armadong bodyguard ay mahirap proteksiyunan ang iyong sarili. Halimbawa, paano mo maiiwasan ang pagpatay kung ito ay sniper na pumatay kay Mayor Halili. Ang kriminal ay nasa malayo at gumamit ng mataas na kalibre ng baril. Kaya mo bang iwasan ang pagpatay kung ikaw ay ikukulong muna at sa loob ng kulungan ka babarilin gaya ng pagpatay kay Mayor Espinosa? Wala ring pinagkaiba ang uri ng pagpatay sa dalawang alkaldeng ito sa pagpatay sa iba pang alkalde at opisyal ng gobyerno, pari, abogado, piskal at mamamahayag. Biglaan at patraydor ang karakter ng pagtambang.

Kahit bumaba o bumababa ang crime rate sa Metro Manila o kahit sa buong bansa, nakakabahala pa rin dahil sa klase ng mga biktima. Kasi, para ka na ring pumatay nang marami. Isa pa, kung ang mga ito ay madaling patayin, anong garantiya na hindi rin madaling patayin ang ordinaryong mamamayan? Ang pumapatay ay hindi naman ordinaryong killer.

-Ric Valmonte