WALA akong personal na kaalaman sa pagkatao ni coach Jong Uichico. Kahit ilang taon ko ding naging ‘beat’ ang PBA bilang sports correspondent, hindi ako nagkaroon ng pagkakataon na maarok ang personal niyang buhay. Ngunit, sa professional na aspeto, walang maitatago kay coach Jong. Isa siya sa  sa hinahangaan ko. Tahimik. Walang yabang. Payapa at matalino sa istilo at pamamaraan sa kanyang trabaho.

jonng

Patunay ang mahabang panahon na nilagi niya sa PBA bilang player, coaching personnel, assistant at hanggang maging head coach. Hindi rin matatawaran ang kontribusyon niya sa National Team. Mas gusto ko nga at  tulad nang nakararami na siya ang maging head coach ng Gilas Pilipinas – pasintabi kay coach Chot Reyes.

Mikee Cojuangco-Jaworski, chair ng Coordination Commission ng Brisbane 2032

Subalit, sa isang iglap. Sa isang kisap-mata, ang malinis na imahe ni coach Jong ay naglahong parang bula.

Puno ng poot, galit at isang mabangis na Jong Uichico ang nasilayan ng basketball fans hindi lamang sa Pilipinas bagkus sa buong mundo nang lisanin niya ang Gilas Pilipinas bench ang makiisa sa pambubugbog sa Australian player na si Chris Goulding.

Umabot na sa mahigit dalawang milyon ang views sa YouTube ang tagpong nirapido ng suntok ni Uichico ang nakahandusay na si Goulding, bukod sa bigwas at sipa mula sa iba pang miyembro ng Gilas Pilipinas, coaching personnel at ilang fans na nakisawsaw din sa kaguluhan. Inilarawan ni Australian assistant coach Luc Longley – dating miyembro ng six-time champion Chicago Bulls – ang naturang aksiyon na ‘gangster behavior’.

Sising alipin si coach Jong at ibinigay na dahilan sa kanyang aksiyon ang damdamin ng isang ama na nais lamang na maipagtanggol ang kanyang anak.

Makatwiran ba?

Ilang kaguluhan na rin ang nasaksihan ko sa mga laro sa kalye, collegiate, amateur, PBL at NBA. At natatangi ang parehong kaganapan sa aksyon ni coach Jong kay NBA coaching icon Jeff Van Gundy. Sa panahon ng kanyang pangangasiwa sa New York Knicks, klasiko ang pagsugod ni coach Van Gundy sa komosyon, ngunit hindi para manuntok ng player mula sa kalabang koponan.

Nanlambitin sa paa ni Alonzo Mourning ng Miami Heat ang pobreng coach para mapigilan ang una na tuluyang makapanakit sa player niyang si Larry Johnson.

Naulit ito, nang saluhin ang bigwas ng player niyang si Marcus Camby para makaiwas sa mabigat na suspensyon nang tangkaing buntalin ang karibal na si Danny Perry.

Tama ang pahayag ni coach Jong na tulad ng isang ama kailangang maproteksyunan niya ang kanyang mga players. Subalit, maling-mali ang ginamit niyang paraan.

Hindi na bata ang Gilas players. At sa naturang sitwasyon, isang ganap na lalaki ang Gilas na nakipagbuntalan para sa respeto at dangal. Ang pakikialam ni coach Jong at pagsali sa kaguluhan ay hindi aksiyon nang isang mabuting ama.

Hindi na mabubura ang naganap. At hindi na rin ligtas sa kritiko si coach Jong.

Ang kanyang paghingi ng paumanhinay unang hakbang para malinis ang kanyang imahe. At maibabalik ang respetong nawala kung kaagad na magbibitiw si coach Jong sa Gilas Pilipinas.

Ayon nga sa pahayag ni Daniel Moldovan, agent/manager ni Goulding, sa social media: “Hand in your resignation, your country deserves better.”

-Edwin Rollon