PALALA na nang palala.
Ito ang estado ng trapik sa Metro Manila nitong mga nakaraang araw.
At ayon sa pinakahuling abiso ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), lalong titindi ang problema sa trapik nitong mga susunod na panahon dahil sa kaliwa’t kanang konstruksiyon ng mga kalsada at tulay sa iba’t ibang lugar.
Bukod sa problemang idinudulot ng pagsasara ng Otis Bridge sa Manila, nakapila na rin ang pagsasara ng Buendia bridge sa Makati City upang sumailalim sa rehabilitasyon.
Kabilang din sa mga proyekto ay ang drainage enhancement program sa North Luzon Expressway (NLEX), pagkukumpuni ng elevated guideway para sa Metro Rail Transit (MRT) Line 7, at emergency leak repair operation sa EDSA at Shaw Blvd.
Ayon kay MMDA general manager Jojo Garcia, hindi na maaaring ipagpaliban ang mga proyektong ito kaya nanawagan na lang siya ng pang-unawa at kooperasyon mula sa mga motorista.
Upang maibsan ang trapik sa Metro Manila, sisimulan na ng MMDA nitong Hulyo 15 na ipagbawal ang pagbiyahe ng mga provincial bus – kapwa north at southbound direction – na bumiyahe sa EDSA simula 5:00 hanggang 10:00 ng umaga, at 4:00 ng hapon hanggang 9:00 ng gabi. Ito’y epektibo simula Lunes hanggang Biyernes.
Subalit binigyang-diin ng MMDA na exempted ang mga bus na ito sa Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) habang sila’y bumibiyahe sa EDSA sa mga itinakdang oras.
Tinataya ng MMDA na mahigit sa 2,000 provinicial bus ang mababawas sa mga bumibiyahe sa EDSA bunsod ng bagong regulasyon ng ahensiya.
Saludo rin tayo sa MMDA dahil sa pinaigting nitong kampanya laban sa mga illegally-parked vehicle sa mga secondary road na maaaring gamitin bilang alternatibong ruta ng mga pribadong sasakyan.
Base sa mga napanonood nating balita sa telebisyon, walang sinasanto ang MMDA sa kampanyang ito gamit ang mga tow-truck sa paghatak sa mga nakabalandrang kotse.
Nandiyan din ang pagbabaklas ng mga ilegal na tindahan na umokopa sa mga bangketa.
Marami rin toyong nasaksihan na drama dahil ilang vendor ang pumalag sa kampanya ng MMDA.
Subalit hindi dapat limitahan ng MMDA ang kampanya nito sa ganitong pamamaraan.
Hinahamon din natin ang MMDA na huwag bigyan ng clearance ang mga selebrasyon at pagpupulong ng ilang lokal na pamahalaan nagreresulta sa pagsasara ng kalsada sa mga lugar na pagdarausan.
Mag-ikot kayo sa mga barangay roads ng Metro Manila at marami kayong masasaksihang selebrasyon na tila sa Pangulong Duterte ang guest of honor dahil isinasara nila ang kalsada.
Tigilan nyo na ‘yan, puwede?
-Aris Ilagan