Isang pagtatangka na sirain ang tiwala ng publiko kay Pangulong Rodrigo Duterte ang magkasunod na pagpaslang sa dalawang alkalde, kamakailan.
Ito ang reaksiyon ni Presidential Spokesperson Harry Roque bilang tugon sa paninisi ni Akbayan Party-list Rep. Villarin sa Pangulo sa magkasunod na pagpatay kina Tanauan City, Batangas Mayor Antonio Halili nitong Lunes; at General Tinio, Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote nitong Martes.
Ginamit ni Villarin ang umano’y kautusan ng Punong Ehekutibo na “free license” sa pagpatay dahil wala naman umanong kakaharaping legal repercussions para sa extrajudicial killings na isinagawa alinsunod sa kampanya ng gobyerno kontra ilegal na droga.
Paglilinaw ni Roque, hindi pinapayagan ng pamahalaan ang tinatawag nitong state-sponsored killings at sinabing panira lamang ito sa Pangulo.
“There is no culture of impunity in the Philippines as we do not condone any state-sponsored killing. We continue to adhere to the rule of law and consider the recent killings of high-profile figures as an attempt to erode confidence in the President, whose main platform of governance rests on fighting crimes,” dagdag ni Roque.
Hindi rin, aniya, lalabag ang pamahalaan sa pagpapanumbalik ng kapayapaan at kaayusan sa bansa at nilinaw na mataas pa rin ang tiwala ng publiko kay Duterte.
“We, however, cannot be deterred in our focus in securing and restoring order in the community. Our people have acknowledged the President as ‘the protector of people,’ as evidenced by surveys giving him high satisfaction, approval, trust and performance ratings,” sabi pa ni Roque.
-ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS