Isang pulis na umano’y nagre-recycle ng nakukumpiskang shabu, o ang tinatawag na “ninja cop”, ang napatay ng mga kapwa niya pulis makaraan umanong manlaban sa buy-bust operation sa Morong, Rizal, nitong Martes.

Hindi na umabot pa nang buhay sa pagamutan si PO2 Gemmo Meneses, nakatalaga sa Morong Municipal Police, dahil sa mga tinamong tama ng bala sa katawan.

Batay sa ulat ng Morong Police, dakong 4:20 ng hapon nang magkasa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Counter Intelligence Task Force (CITF), Philippine National Police-Intelligence Group (PNP-IG) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), laban kay Meneses matapos na makatanggap ng impormasyon na sangkot ang suspek sa recycling ng mga nakukumpiska nilang shabu.

Ayon sa impormasyon, ipinabebenta umano ni Meneses sa mga tulak sa kanilang lugar ang mga shabu na nakumpiska sa operasyon ng pulisya.

May lason? EcoWaste may babala 'di awtorisadong bersyon ng Labubu dolls

Nabatid na nakahalata umano si Meneses na mga kapwa pulis ang kanyang katransaksiyon kaya bumunot umano ito ng baril at namaril.

Gumanti naman ng putok ang mga awtoridad, na nagresulta sa pagkamatay ng suspek.

-MARY ANN SANTIAGO