Isa pang umano’y miyembro ng Boratong drug syndicate ang naaresto ng mga awtoridad sa buy-bust operation sa Barangay Pineda, Pasig City, nitong Martes ng hapon, na nagresulta sa pagkakakumpiska sa aabot sa P1.2-milyon halaga ng shabu.
Kinilala ni Eastern Police District (EPD) Director Senior Supt. Bernabe Balba ang naaresto na si Antonio R. Intalan, alyas “Anthony”, 49, construction worker, at taga-Old MRR Street, sa Bgy. Pineda.
Dakong 5:30 ng hapon nang maaresto ng mga tauhan ng Chief District Drug Enforcement Unit at District Intelligence Unit si Intalan sa Old MRR Street.
Batay sa ulat, isang pulis na poseur buyer ang bumili umano ng P1,000 halaga ng shabu mula kay Intalan, na nagresulta sa pagkaaresto sa kanya.
Nakumpiska rin umano ng mga awtoridad ang anim na heat-sealed plastic sachet ng shabu sa isang wallet, at 27 pakete pa ng shabu na nakalagay sa sunglasses pouch, na may kabuuang timbang na 190 gramo, o street value na P1.250 milyon.
Nabatid na si Intalan ay kasama sa Top 10 High-Value Target ng EPD at may category level number one
Miyembro rin umano si Intalan ng Amin Boratong drug syndicate, na responsable sa operasyon ng binuwag na shabu tiangge sa Pasig noong 2006.
Tatlong beses na umanong naaresto si Intalan sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165) noong 2013, 2014 at 2017, ngunit nakalaya rin matapos makapagpiyansa.
Nauna rito, inaresto rin ng mga awtoridad nitong Martes si Haimen Rangaig, na sinasabing tauhan ni Juharey Boratong, umano’y pamangkin ng drug convict na si Amin Boratong. Nasamsam umano kay Rangaig ang P1.3-milyon shabu.
-Mary Ann Santiago