Tatlong mahahalagang batas ang nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Hunyo 29.

Una, ang makasaysayang batas na nagdedeklara ng 94 pang protected areas sa ilalim ng proteksiyon at pamamahala ng gobyerno at nagpapataw ng mabibigat na parusa sa mga lalabag dito.

Ang Republic Act No. 11038, o “Expanded National Integrated Protected Areas System Act of 2018,” ay pinakikilos ang resources ng gobyerno para i-conserve at protektahan ang ecologically rich at unique areas na klinaseng national park.

“The use and enjoyment of these protected areas must be consistent with the principles of biological diversity and sustainable development,” nakasaad sa batas.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kabilang sa bagong protected areas ang Tañon Strait sa Cebu and Negros Islands (534,589.05 hectares), Ticao-Burias Pass sa Albay, Masbate at Sorsogon provinces (414,244 has.), Samar Island Natural Park sa Samar (335,105.57 has.), Siargao Island sa Surigao del Norte (283,974.77 has.), Turtle Island Wildlife Sanctuary sa Tawi-Tawi (242,958.29 has.), at Sarangani Bay sa General Santos City (210,887.69 has.).

Ang iba pang protected areas ay ang Ninoy Aquino Parks and Wildlife Center sa Quezon City, Taal Volcano sa Batangas and Cavite, Chocolate Hills Natural Monument at Panglao Island Protected Seascape sa Bohol, Mt. Mayon Natural Park sa Albay, Bulusan Volcano Natural Park sa Sorsogon, at Hinulugang Tatak sa Rizal.

Sa ilalim ng batas, ang NIPAS ay isasailalim sa kontrol at superbisyon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa ilalim ng Biodiversity Management Bureau.

Inaatasan ng RA 11038 ang Department of Justice na magtalaga ng special prosecutors para parusahan ang mga lalabag sa batas, patakaran at regulasyon sa protected areas.

Ang sinumang indibidwal na lalabag sa batas ay mahaharap sa multang P50,000 hanggag P5 milyon at pagkakakulong ng anim hanggang 12 taon. Ang isang opisyal ng gobyerno na napatunayang lumabag dito ay papatawan ng parehong parusa at habambuhay na disqualification sa public office.

FOOD TECH

Isinabatas din ng Pangulo ang Republic Act (RA) No. 11052 na lumilikha sa Professional Regulatory Board of Food Technology na nagre-regulate sa practice nito sa Pilipinas.

Ang food technology ay tumutukoy sa paggamit ng physical, biological, at behavioral sciences upang ang raw materials ay maging ligtas, matatag, kaaya-aya, at masustansiyang pagkain. Ito ay kinabibilangan ng mga proseso ng handling, storage, processing, packaging, distribution, at utilization of food.

Nakasaad sa batas, kinikilala ng gobyerno ang kahalagahan ng professional food technologists sa nation-building at development. Ang Professional Regulatory Board of Food Technology ay susubaybayan ng Professional Regulation Commission.

Ang mga kukuha ng exams ay dapat na Filipino citizen, o mamamayan ng ibang bansa na mayroong reciprocity agreement sa Pilipinas sa pagpapraktis ng food technology, at mayroong Bachelor’s Degree in Food Technology mula sa institusyon na kinikilala at accredited ng CHED.

ELECTRIC COOP

Lubusan na ring naging batas ang Republic Act No. 11039 na nagbibigay ng suporta sa electric cooperatives (ECs) na apektado ng mga kalamidad.

Alinsunod sa batas, susuportahan at aayudahan ng Estado ang electric cooperatives na lubhang naapektuhan ng mga kalamidad, kinikilala na ang kawalan ng serbisyo ng kuryente matapos ang kalamidad ay isang national security.

Lilikhain nito ang Electric Cooperatives Emergency and Resiliency Fund (ECERF), na magkakaloob ng maayos at tuloy-tuloy na financial assistance sa electric cooperatives para maibsan ang matinding epekto ng mga kalamidad.

Ang ECERF ay pamamahalaan ng National Electrification Administration (NEA) at ang inisyal na pondong P750 milyon ay kukunin mula sa National Disaster Risk Reduction and Management (NDRRM) Fund at ilalabas ng NEA Quick Response Fund.

-GENALYN D. KABILING at ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS