SA taya sa huling bahagi ng 2017, nasa P3.027 bilyon pondo para sa modernisasyon ang hindi pa nagamit ng Armed Forces of the Philippines (AFP), iniulat ng Commission on Audit (CoA) noong nakaraang linggo. Ang pondong ito ay nakalaan sana sa pagbili ng civil engineering equipment, ng 50,000 baril, radar at pangunahing kagamitan para sa Philippine Air Force at iba pang mga unit, pondo para sa pensiyon ng AFP, Calamity Fund, at iba pang mga programa.
Taong 2017 nang nahamon ang kakayahan ng AFP sa limang-buwang digmaan sa Marawi laban sa grupo ng Maute, na suportado ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS), sa pagkalagas ng maraming buhay, armas, sandata at kagamitan. Natuklasan ngayon na sa kabila nito, mayroong, P3 bilyon nakalaan na pondo ng AFP ang hindi nagamit, na nakatulong sana noon upang hindi na nagtagal pa ang bakbakan.
Iniulat din ng CoA noong nakaraang linggo na isa pang ahensiyang nagtatanggol sa bansa, ang Philippine National Police (PNP), ang bumili ng P1.347-bilyon halaga ng kagamitan para sa serbisyo at pakikipaglaban — utility truck, personal carriers, automatic grenade launchers at iba pang personal na kagamitan — noong pang 2016, ngunit hanggang noong 2017 ay hindi pa rin nakararating ang mga nabiling kagamitan.
“The P1.347 billion worth of mobility and combat assets could have greatly contributed to the capability of the police force to effectively and efficiently accomplish its mandate and would have benefitted PNP personnel,” nakasaad sa ulat ng CoA.
Matatandaang Enero 2015, nang masadlak ang PNP sa trahedya ng Mamasapano kung saan 44 na miyembro ng Special Action Force ang napatay sa Maguindanao nang magapi sila ng pinagsamang puwersa ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, Moro Islamic Liberation Front, at mga bandido. Ang P1.347-bilyon halaga ng kagamitan para sa pakikipaglaban at mas mabilis na pagkilos na binili ng PNP noong 2016 ay nakadagdag sana sa pagpapalakas at pagpaparami sa kagamitan ng pulisya, at pagpapalakas ng puwersa matapos ang trahedya sa Mamasapano.
Sa mahabang panahon, napag-iwanan na ang ating mga unipormadong kawani ng mga kalapit nating bansa, dahil na rin sa pagdepende natin sa Amerika sa usapin ng pagtatanggol sa bansa, kabilang ang paghihintay sa mga pinaglumaang barko, eroplano, armas at mga sandata ng nasabing bansa. Sinimulan na natin ang pagbili ng sarili nating kagamitang pandigma, tulad ng mga jet fighter mula South Korea. Ang pondo ng AFP para lamang sa 2018 ay umaabot na sa P25 bilyon.
Gayunman, ang lumabas na ulat ng CoA noong nakaraang linggo ay dapat lang na magbigay-paalaala sa mga opisyal na ang dating pagsasawalang-bahala ng ilang ahensiya ng gobyerno, gaya ng labis na pagtitipid ng AFP at ang kawalang aksiyon sa mga hindi dumarating na biniling kagamitan ng PNP, ay dapat na hindi na muling pahintulutan.