Aabot sa 66 na katao ang iniulat ng Department of Health (DoH) na nasawi dahil sa HIV/AIDS infection noong Abril, 2018.
Ayon sa DoH, ang naturang bilang ng mga nasawi ay kabilang sa 924 na bagong pasyente ng HIV/AIDS na nakasaad sa April 2018 HIV/AIDS Registry of the Philippines (HARP).
Mas mataas ang bilang ng kaso ng naturang ng sakit noong Abril, kumpara sa 628 naitala ng DoH noong Abril ng nakaraang taon.
Sa kabuuang bilang ng mga bagong kaso ng sakit, 19 na porsiyento o 179 ang may clinical manifestation na may advanced HIV infection o AIDS, at 66 na ang binawian ng buhay.
Nananatiling nangungunang sanhi ng pagkahawa sa sakit ang pakikipagtalik, na umabot na sa 905 kaso.
Sa bilang na ito, 774 na indibiduwal o 86% ang nasa ilalim ng kategoryang males having sex with males (MSM).
Labingtatlong kaso o 1% naman ng mga drug user ang nahawahan ng HIV/AIDS dahil sa pakikigamit ng karayom ng iba sa pagtuturok ng ilegal na droga.
Isa naman ang tinamaan ng sakit dahil sa mother-to-child transmission, habang lima ang hindi tukoy kung paano dinapuan ng sakit.
Sa National Capital Region may pinakamaraming naitalang kaso sa 282, kasunod ang Calabarzon na mayroong 164 na kaso, Central Luzon na may 117, Central Visayas na may 71, Davao Region na mayroong 50 kaso, at Western Visayas na may 44 na kaso.
Iniulat din ng DoH na simula 1984 ay umabot na sa 54,332 ang HIV cases sa bansa.
Sa nasabing bilang, 5,700 ang nauwi sa full-blown AIDS at 2,598 na ang nasawi.
-Mary Ann Santiago