MATAGAL ko nang napapansin na karamihan sa mga pasaway na pulis ay mga bagong pasok sa serbisyo kaya ‘di na ako nagulat nang marinig ko sa isang ‘one-star rank” officer sa Philippine National Police (PNP) na pinag-aaralan ang problemang ito ng kanilang pamunuan upang agad na maituwid, kung mayroon mang pagkakamali sa recruitment pa lamang ng mga ito.

Kamakailan, tatlong nambatos na miyembro ng Manila Police Department (MPD) ang pinagkukutusan habang sinisermunan ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) director C/Supt Guillermo Eleazar, matapos na masakote sa isang “entrapment operation” nang mangotong ang mga ito. Nag-viral ang sa social media ang video ng “kutusan blues” at marami ang pumuna -- agad na nilinaw ni Eleazar na itinaas lamang niya ang ulo ng mga ito dahil nakayuko habang kanyang pinangangaralan!

Sa totoo lang DD Eleazar, marami akong nakausap na pabor sa ginawa mo at kulang pa raw ito -- dapat ay dinagukan saka ipinakulong mo agad para ‘di pamarisan ng mga bagitong pulis! Ito ay dahil sa mga balitang magkakasunod ang naarestong mga baguhang pulis – nangongotong, hulidap, at patong sa droga – sa iba’t ibang lugar, lalo na sa Metro Manila.

Kaya tuloy naikumpara ni Quezon City Police Department (QCPD) district director C/Supt Joselito Esquivel Jr., ang mga bagong pulis ngayon sa mga bagitong nakasama niya noong nasa ilalim pa ng Philippine Constabulary – Integrated National Police (PC – INP) ang mga alagad ng batas.

Ani Esquivel sa mga mamamahayag sa news forum na Balitaan sa Maynila sa Tinapayan Festival sa Dapitan Street sa Sampaloc noong Linggo: Sa ilalim ng PC – INP, kahit na mga high school graduate lamang ang mga bagong pulis, napakamasunurin, masipag at sobrang dedicated sa trabaho ng mga ito, at bihirang-bihira ang nasasama sa pangingikil sa kalsada. Ang mangilan-ngilan na nagiging pasaway noon ay mga may “tahig na sa serbisyo” at magreretiro na.

Kaya raw pinag-aaralan ng pamunuan ng PNP na muling ibaba sa “high school graduate” ang educational requirements para sa pagpupulis – bakit at ano ang posibleng justification? Ito ang paliwanang ni Esquivel na medyo tinatanguan ko naman: 1. Mahal ng mga pulis noon ang kanilang trabaho dahil sa kahit high school lamang ang kanilang tinapos ay pinagtiwalaan sila ng pamahalaan ng isang mabigat na tungkulin, ayaw nilang mawala agad ito sa kanila; 2. Upang umangat sa posisyon, kabi-kabila ang training at schooling ang tinitiyaga nilang matapos kaya walang panahon sa paggawa ng kalokohan. 3 At dahil sa hirap na dinanas bago umangat sa posisyon, minamahal nila ito at sobrang nag-iingat na makagawa ng bulilyaso para manatili sa puwesto hanggang sa magretiro.

Sa aking palagay naman, ang mga bagitong pulis ngayon na college graduate, ay “mataas” ang tingin sa kanilang sarili kaya mahirap pasunurin. Ang isang alanganing utos ng nakatataas, madalas sinasalubong ng tanong na “BAKIT” kaysa sumunod muna. Karamihan sa mga ito, ayon sa ginagawang pag-aaral ng PNP, ang nais kumita ng biglaan, hindi gaya ng dati na “serbisyo publiko” ang namamayani sa kanilang mga ulo.

Naalala ko, noong ang Owner-type Jeep ay status symbol para sa mga opisyal ng pulis sa presinto – madaling malaman na sa pulis ito dahil sa posas na nakabitin sa manibela – noo’y nagsisimula nang mag-recruit ng criminology graduate, na nang OJT pa lang, ay ganito agad ang bukambibig: “Pag pulis na ako ang una kong bibilhin ay Owner Jeep!”

Sa palagay ko, maling EHEMPLO ng mga opisyal ang unang nakahalubilo ng mga bagong recruit – maging noong OJT pa lamang sila -- kaya ang maling asal ang kanilang PINULOT!

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]

-Dave M. Veridiano, E.E.