SA isang survey ng Social Weather Stations (SWS) nitong nakaraang Marso, sinasabing nasa 27 porsiyento lamang ng mga naging respondent ang may nalalaman sa pederalismo, isang ideya na matagal nang isinusulong ng administrasyong Duterte. Katumbas ito ng isa sa bawat apat na Pilipino.
Nang tanungin kung susuportahan nila ang pederal na sistema ng pamahalaan para sa Pilipinas, 37% ang nagsabi ng “Oo”; 29 ang “Hindi”, at 34 ang “undecided.” Inilarawan ng SWS ang net agreement of plus-7 (agree minus disagree) bilang “neutral.” Kahawig din ito sa lumabas na resulta ng Pulse Asia, ang isa sa mga pangunahing survey organization sa bansa: 71% ang nagsabing may kaunti, na halos wala, o walang kaalaman tungkol sa pederalismo. Malaking bahagi ng 66% ang hindi pabor sa pederalismo.
Bukod sa malawakang kampanya ng pulisya laban sa ilegal na droga, ang mungkahing pagpapalit sa sistemang federal ng pamahalaan ang isa sa mga pangunahing adbokasiya ng administrasyong Duterte. Iminungkahi ito ng Pangulo bilang, aniya, pagtutuwid sa “historical injustice” sa mga Moro.
Kinakailangan ng rebisyon ng kasalukuyang Konstitusyon ng Pilipinas upang maipatupad ang federal na sistema. Nangangailangan ito ng panibagong pagbabalangkas ng gobyerno—na gugugol ng malaking pondo—lalo’t magdaragdag ito ng bagong baitang ng burukrasya sa kasalukuyang pambansa, probinsiyal, munisipalidad at barangay na pamahalaan.
Bago pa ang planong Constitutional Assembly upang irebisa ang Konstitusyon, nariyan na ang Bangsamoro Basic Law (BBL) na hiniling ni Pangulong Duterte na maisabatas ng Kongreso. Nakatakda itong lagdaan ng Pangulo upang maging bagong batas kasabay ng kanyang State of the Nation Address (SONA) o bago ang joint session ng Kongreso sa Hulyo 24.
Bigong makalusot sa Kongreso ang BBL sa panahon ng administrasyong Aquino, malaking bilang ng oposisyon ang hindi umaayon sa ideya na pagbibigay ng awtonomiya sa isang rehiyon ng bansa. Na tila isang kahiwalay na teritoryo ang bubuuin ng Pilipinas kung saan magkakaroon ang mga Moro ng sariling Shariah law at masususnod ang mga tradisyunal na kaugaliang Muslim.
Sa ilalim ng malakas na pamumuno ni Pangulong Duterte, sa wakas ay naisabatas ng Kongreso ang BBL ngunit manananitili itong isa sa dalawang nagsasariling rehiyon sa bansa bilang ito ang nakasaad sa kasalukuyang Konstitusyon, ang isa ay ang Cordillera Administrative Region. Ang sunod na hakbang sa plano ng Pangulo ay ang rebisyon ng Konstitusyon upang hatiin ang bansa sa mga federal na rehiyon o estado, na kahalintulad sa sistemang federal ng ibang mga bansa tulad ng United State, Germany, at Malaysia, kung saan ang matagal nang naitatag na mga estado ay nagkasundong magkaisa.
Wala tayong kahalintulad na karanasan sa kasaysayan ng Pilipinas na magiging sagot kung bakit lumabas sa survey ng SWS at Pulse Asia kamakailan na karamihan sa mga Pilipino ang walang ideya tungkol sa pederalismo at hindi masuportahan ito. Ang tanging rason kung bakit ito patuloy na isinusulong ngayon ay dahil sa kagustuhan ni Pangulong Duterte. Sa ibang mga opisyal, nagpahayag ng pagsang-ayon si Senador Aquilino “Koko” Pimentel III, lalo’t ito umano ang pangunahing adbokasiya ng kanyang ama na si dating Senate President Aqulino “Nene” Pimentel, Jr. Hindi pa natin naririnig ang ibang opisyal na magsalita tungkol sa pederalismo na kasing sigasig ni Pangulong Duterte.
Ipinapakita sa SWS at Pulse Asia survey kamakailan na marami pa ang kailangan gawin upang makuha ang suporta ng mga Pilipino para sa ideya ng pederalismo. Kailangan natin makuntento sa BBL law, na umaayon sa kasalukuyang Konstitusyon, habang isinusulong ng administrasyon ang isang mas sistematiko at mas nakahihikayat na kampanya upang ipaalam sa mga Pilipino ang benepisyo ng pederalismo.