TANAUAN CITY, Batangas – Mariing itinanggi ng pamilya ni Tanauan City, Batangas Mayor Antonio Halili ang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na posibleng sangkot sa ilegal na droga ang pinatay na alkalde.

Ayon kay Mary Angeline Halili, anak ng alkalde, hindi sangkot sa anumang aktibidad na may kinalaman sa ilegal na droga ang kanyang ama, at ang tanging hangad nito ay ang malinis ang siyudad sa droga at krimen, at mabigyan ng disenteng pagkakakitaan ang mga residente.

“My Father would rather be dead than to be a drug lord,” sabi ni Angeline.

Iginiit din niyang maling impormasyon ang ipinaabot kay Pangulong Duterte tungkol sa kanyang ama.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“I cannot blame the President (Duterte) for saying those things because he is misinformed and I am very sure he is misinformed, I’m very confident in that,” sabi ni Angeline.

PARANG PAROJINOG AT ESPINOSA LANG?

Sinabi ni Duterte nitong Lunes ng gabi na ang pagpatay kay Halili ay maaaring may kinalaman sa umano’y pagkakasangkot nito sa kalakalan ng droga, gaya ng sinapit nina dating Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog Sr., at dating Albuera, Leyte Mayor Ronaldo Espinosa.

“I would be honor to shake your (Duterte) hand because I’ve always admire your work, ‘di naman ho nagkakalayo ang ginagawa n’yo ng daddy ko. Pareho lang po ang goal nyo, mas matapang lang kayo, sir,” mensahe naman ni Angeline sa Pangulo.

Sinabi pa ni Angeline na isang napakalaking trahedya ang nangyari sa kanyang ama para sa mga taga-Tanauan at lahat ng sumusuporta sa adbokasiya ng kanyang ama kontra droga.

“’Yung mga tao, huwag kayo matakot, don’t give up, all the more you have to fight back against these drug lords and all these politicians whose supporting the drug lords in the country,” aniya.

NBI, CHR MAG-IIMBESTIGA

Kaugnay nito, magsasagawa na rin ang National Bureau of Investigation (NBI) ng imbestigasyon kaugnay ng pagpatay sa alkalde.

“It’s a separate investigation but we coordinate with the PNP (Philippine National Police) because they are the lead agency, tumutulong lang kami. Anything na puwede namin maitulong,” sabi ni Atty. Jonathan George Atienza, executive officer ng NBI-Region 4A.

Kinumpirma na rin ng Commission on Human Rights (CHR)-Region 4A na magsasagawa rin ito ng hiwalay na imbestigasyon sa insidente.

Samantala, magpapasa ng resolusyon ang Sangguniang Panlungsod ng Tanauan upang kilalanin ang natatanging kontribusyon ni Halili sa siyudad.

BAGONG MAYOR, VICE MAYOR

Nakapanumpa na rin nitong Lunes kay Batangas Gov. Hermilando Mandanas bilang kapalit ni Halili si dating Tanauan Vice Mayor Jhoanna Corona-Villamor, ayon kay Department of Interior and Local Government (DILG) Assistant Secretary Jonathan Malaya.

Ang tiyuhin ng 30-anyos na abogadong si Villamor, si Tanauan City 1st Councilor Benedicto “Ben” Corona, ang magsisilbi namang bise alkalde ng siyudad. Ang ama ni Villamor—si dating Board Member Fred Corona—at si Benedicto ay mga pinsan ni dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona.

May ulat nina Chito A. Chavez at Martin A. Sadongdong

-LYKA MANALO