TATLO pang kalalakihan ang lumantad sa London na nagsabing minolestiya umano sila ni Kevin Spacey, kaya sa kabuuan ay anim na ang mga sinasabing nabiktima ng aktor.
Kinumpirma ito ng Yahoo Entertainment noong Abril, dahil isang biktima umano ang nag-report sa pulisya na minolestiya siya ng isang lalaki sa Westminster noong 1996. Dalawa pang lalaki ang lumantad noong Pebrero na may parehong alegasyon laban sa naturang lalaki, isang insidente rito ang nangyari sa Gloucester noong 2013, at ang isa pa ay sa Lambeth noong 2008.
Hindi naman kaagad pinangalanan ng London’s Metropolitan Police ang itinuturong lalaki, na si Kevin pala, hanggang hindi siya nakakasuhan at naiimbestigahan. Gayunman, iniulat ng TMZ at Variety na ito ay ang dating House of Cards star, na mula umano sa hindi pinangalanang source na may alam tungkol sa kaso.
Hindi naman kaagad nagbigay ng komento ang abogado ni Kevin sa request na komento ng Yahoo Entertainment.
Inilunsad ng mga British authority ang inisyal na imbestigasyon sa Oscar-winning actor noong Nobyembre 2017, matapos umano nitong molestiyahin ang isang lalaki sa Lambeth noong 2008. Kalaunan nang buwan ding iyon, isa pang lalaki ang lumantad at sinabing siya rin umano ay naging biktima ng nabanggit na lalaki sa Lambeth noong 2005. Ang ikatlong alegasyon ay inireport noong Disyembre at naganap umano sa Westminster noong 2005. May bahay si Kevin sa England nang mga panahong iyon.
Inihayag ng Metropolitan Police sa Yahoo Entertainment na iniimbestigahan na ng mga officer mula sa Child Abuse and Sexual Offences Command ang mga naturang paratang — kabilang ang umano’y naganap naman sa Gloucester.
Dose-dosena na ang lumantad na nag-aakusa kay Kevin ng harassment and/or assault. Nagsimula ang pagbagsak ng aktor noong Oktubre 2017, nang makapanayam siya sa BuzzFeed ni Anthony Rapp, at doon isiniwalat ni Anthony na gumawa umano ang noon ay 26 taong gulang pa lamang na si Kevin ng unwanted sexual advance noong siya ay 14 anyos pa lang.
Dito na ibinunyag ni Kevin na siya ay gay at humingi rin siya ng paumanhin.
Noong Nobyembre, sumailalim siya sa gamutan for unspecified reasons. Sinabi lang ng kinatawan ni Kevin na siya ay “taking the time necessary to seek evaluation and treatment.” Mula noon ay nanatili siyang low profile, ulat ng Yahoo Celebrity.