Mahigit 100 Pinoy mula sa iba’t ibang probinsiya sa bansa ang nailigtas mula sa umano’y tangkang human smuggling matapos maharang ang isang cruise ship, na patungong Micronesia, sa Bataan nitong Martes ng madaling araw.
Iniligtas ang 139 na Pinoy mula sa papaalis na barkong “Forever Lucky” sa Port of Orion dakong 1:00 ng madaling araw kahapon, ayon kay Coast Guard Spokesman Captain Armand Balilo.
Inaresto ang 41 crew ng barko dahil sa mga pekeng dokumento.
Nadiskubre rin na walang special permit mula sa MARINA ang naturang cruise ship para makapaglayag.
Ayon kay Balilo, ilegal na ni-recruit ang 139 na Pinoy upang magtrabaho sa cruise ship. Karamihan sa mga ito ay skilled workers na pinangakuang susuwelduhan bilang cook, entertainer, singer, housekeeper, caregiver, at iba pa.
Napag-alaman na ang mga biktima ay mula sa Visayas, Palawan, Pampanga, Olongapo, at iba pang parte ng bansa.
Kasalukuyang iniimbestigahan ang may-ari ng barko na ino-operate ng Farenheit Company Ltd (SBMA registered).
“When we verified it to the intelligence, the operation was launch last night, and we confirmed that the illegal activity as well as the fictitious documents of the ship,” sabi ni Balilo.
-BETHEENA KAE UNITE at BETH CAMIA