TANAUAN CITY, Batangas - Dead on arrival sa ospital si Tanauan City, Batangas Mayor Antonio “Thony” Halili matapos na barilin sa dibdib ng nasa dalawang hindi nakilalang suspek habang nasa flag-raising ceremony, kahapon ng umaga.

ASINTADO Sa ilalim ng bunton ng dayaming ito pinaniniwalaang pumuwesto ang bumaril at pumatay kay Tanauan City, Batangas Mayor Antonio “Thony” Halili, sa kasagsagan ng flag-raising ceremony sa siyudad kahapon ng umaga. (CZAR DANCEL)

ASINTADO Sa ilalim ng bunton ng dayaming ito pinaniniwalaang pumuwesto ang bumaril at pumatay kay Tanauan City, Batangas Mayor Antonio “Thony” Halili, sa kasagsagan ng flag-raising ceremony sa siyudad kahapon ng umaga. (CZAR DANCEL)

Ayon sa inisyal na report mula sa Batangas Police Provincial Office (BPPO), dakong 8:10 ng umaga at umaawit ng Lupang Hinirang ang mga empleyado, kasama ang alkalde, sa harap ng city hall sa Barangay Natatas nang barilin ang opisyal.

Isinugod sa CP Reyes Hospital si Halili subalit idineklarang dead on arrival ni Dr. Alexandrix Carandang, dakong 8:45 ng umaga, sanhi ng tinamong tama ng bala sa dibdib.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Bumuo na ang BPPO ng Special Investigation Task Group (SITG) para matukoy at madakip ang mga suspek, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

SHARPSHOOTER

Kaugnay nito, sinabi ni Police Regional Office (PRO)-4A director Chief Supt. Edward Carranza na isa sa mga suspek ay isang “highly-skilled” sharpshooter.

Aniya, natuklasan ng pulisya ang “spotting area” may 160-200 metro sa hilagang-kanluran ng Tanauan City Hall.

“We believe it was where the gunman positioned himself, he was lying down. It was elevated, dense and grassy. The gunman possibly had an aide, a spotter,” sabi ni Carranza. “[The suspect is] highly-skilled, definitely, and this is a planned killing.”“Nobody saw the gunman. We have a CCTV footage but no sightings of the gunman. But I believe they have a get-away vehicle,” dagdag pa ni Carranza.

Aniya, gumanti ng putok ang mga close-in security aide ni Halili, at narekober ang mga basyong cartridge mula sa .45 caliber pistol at .9mm pistol ng mga tauhan ng alkalde sa parking lot ng city hall.

“No shell was found at the spotting area but we are hoping we can recover the bullet that killed him,” ani Carranza.

‘WALK OF SHAME’

Ayon kay Carranza, kabilang sa mga tinitingnang motibo sa pagpatay sa 72-anyos na alkalde ang paghihiganti sa kontrobersiyal nitong “walk of shame” campaign, ang pulitika, at ang personal na galit.

Nagkuwento si Epifanio Yson, bayaw ni Halili at executive assistant sa Tanauan City Information Office, kung paanong nagkagulo makaraang kasunod ng alingawngaw ng putok ng baril ay napaluhod si Halili habang sapo ang duguang kaliwang dibdib.

“Suddenly, his uniform was smeared with blood. One security aide checked his cell phone in his left chest pocket. It had a hole and smoke was coming out of it,” ani Yson.

Naniniwala si Yson na ang mga drug lord ang nasa likod ng pagpapapatay sa alkalde.

“He is known to parade notorious criminals that are being arrested especially the drug pushers,” aniya. “The drug lords must have been very angry because their operations have already been affected since many pushers were arrested here.”

DUTERTE NG BATANGAS

Idinepensa rin ni Yson ang “walk of shame” ng tinaguriang “Mayor Duterte ng Batangas”.

“That campaign has been in effect since he came in 2013 and it never stopped. It was requested by the public to him,” paglilinaw ni Yson.

Sa kabila nito, kinumpirma ni Carranza na binawian ng National Police Commission (Napolcom) si Halili ng police power noong Oktubre 2017 kaugnay ng umano’y pagkakasangkot sa ilegal na droga.

Nabatid na plano rin ni Halili na muling kumandidato sa susunod na taon para sa ikatlo at huling termino. Walang makakalaban si Halili, ayon kay Yson.

Samantala, kinondena ng Malacañang ang insidente at nangakong igagawad ang hustisya para sa alkalde.

KATARUNGAN KAY HALILI

“Nangangako po tayo sa pamilya at sa mga constituents ni Mayor Halili na bibigyan natin sila ng katarungan,” sabi ni Presidential Spokesman Harry Roque. “Iimbestigahan, lilitisin at paparusahan ang mga tao na nasa likod ng pagpatay na ito.”

Nababahala naman si Senator Panfilo “Ping” Lacson sa pagpaslang ng hinihinalang sniper sa alkalde, at iginiit na paigtingin ang gun control sa bansa kaugnay na rin ng sunud-sunod na pagpatay sa mga pari, piskal at mga lokal na opisyal.

“The Philippine National Police should feel challenged, if not taunted. And they must immediately consider stricter firearms control strategies before similar killings could reach ubiquitous levels,” ani Lacson.

Para naman kay Senate President Tito Sotto, duwag ang kiler dahil kinailangan pang gumamit ng sniper, o malayuan ang pagpatay.

-LYKA MANALO at MARTIN SADONGDONG, ulat nina Fer Taboy, Argyll Cyrus Geducos, at Leonel Abasola