SA halip na titulo sa International Boxing Organization (IBO), paglalabanan na nina No. 2 contender Jhack Tepora ng Pilipinas at 3rd ranked Edilvaldo Ortega ang World Boxing Association (WBA) ‘regular’ featherweight title sa undercard ng Lucas Matthysse-Manny Pacquiao WBA welterweight title bout sa Hulyo 15 sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Iniutos ng WBA na magharap sina Tepora at Ortega para sa bakanteng titulo at pagkakataong hamunin si WBA super champion Leo Santa Cruz na matagumpay naidepensa ang titulo kamakailan sa dating kampeong si Ruben Mares na isa ring Mexican.

Malaking pagkakataon ito sa walang talong si Tepora upang maipakita ang kanyang telento sa pakikipagbasagan ng mukha tulad nang nagpasiklab siya sa East London, South Africa nang patulugin sa 2nd round si dating world rated Lusanda Komanisi para matamo ang WBO Inter-Continental featherweight title noong Setyembre 22, 2017.

Ngunit, hindi pipitsuging karibal si Ortega na tinalo ang mga dating kampeong pandaigdig na kababayan niyang sina Juan Carlos Sanchez at Tomas Rojas bago dinaig sa puntos si dating WBA interim super flyweight champion Drian Francisco na isa ring Pilipino.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

May rekord si Ortega na 26-1-1 na may 12 panalo sa knockouts kumpara sa kartada ni Tepora na may perpektong 21 panalo, 16 sa pamamagitan ng knockouts.

-Gilbert Espeña