“MAGPATAWAD kayo dahil hindi naman ito sinadya at hayaang magpatuloy ang imbestigasyon ganito ang aking ipinakiusap sa pamilya ng mga pulis na napatay,” sabi ng Pangulo sa kanyang talumpati sa Tacloban City para sa Sangyaw Festival of lights. Ang tinukoy ng Pangulo ay ang naganap na umano ay chance encounter sa pagitan ng mga pulis at sundalo sa Sta. Rita, Samar noong umaga ng Hunyo 25. Ang trahedya ay kumitil ng anim na pulis at ikinasugat ng siyam na kasama nila. Ang mga sundalo ay kasama sa 87th Infantry Brigade na nakatalaga sa Calbiga, Samar. Nakaniig ng Pangulo ang pamilya ng mga napatay nang dumalaw siya sa pinagburulan ng mga ito sa loob ng matapat Hall sa Camp Ruperto Kangleon sa headquarter ng Eastern Visayas police sa Palo, Leyte. Dinalaw din niya ang mga sugatang pulis sa Eastern Visayas Regional Medical Center sa Tacloban City.
Kasakuluyang iniimbestigahan ang pangyayari ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP). Pero, sa pamilya ng mga napaslang na pulis, kasalanan umano ito ng mga sundalo. Ang problema, samantalang ipinakiusap ng Pangulo sa pamilya ng mga nasawi na hayaang sumulong ang ginagawang imbestigasyon, sinabi naman niya na hindi ito intensiyonal. Wala raw may gustong mangyari ito. Kaya, wika ni Rosario Mendigo, ina ni Phil. Rey Mendigo: “Ano ang magagawa namin kundi ang sumunod sa payo ng Pangulo. Pero, napakasakit sa akin na ang aking anak ay napatay.”
Sa kanyang talumpati sa Balyuan Amphitheater, sinabi ng Pangulo na kung mayroong dapat sisihin, walang iba kundi siya bilang commander-in-chief ng PNP at AFP. “Responsibilidad ito ng Pangulo at ayaw niyang magtuturuan pa,” pag-uulit ni Presidential Spokesperson Harry Roque. Tama lang na akuin niya ang nangyari. Hindi tulad ng ginawa ni dating Pangulong Noynoy na naghugas ng kamay at ibinintang ang madugong trahedya sa Mamasapano kung kani-kanino. Iniwasan na nga ang responsibilidad, hindi pa sinalubong sa paliparan ang paglapag ng mga bangkay ng 44 na kasapi ng Special Action Force. Ang SAF 44 ay naatasan na dakpin ang umano ay pinuno ng teroristang grupo na si Marwan, pero sinalubong sila ng mga putok sa kanilang pag-atras na kanilang ikinasawi.
Akuin man o hindi ni Pangulong Digong ang responsibilidad sa naganap na umano ay engkwentro sa pagitan ng mga pulis at sundalo na ikinamatay ng anim na pulis at ikinasugat ng kanilang mga kasama, siya pa rin ay dapat managot. Kaya, nagkasalubong ang dalawang armadong grupo ay dahil sa paghahanap at paghahabol sa mga miyembro ng New People’s Army (NPA). Bakit nga ba raw hindi mapapagkamalan ng mga sundalo ang mga pulis na NPA, eh nagsusuot din ang NPA ng kanilang kasuotan.
Si National Democratic Front of the Philippines consultant Joma Sison ang nagsabi na kaya sinuspinde ng Pangulo ang usapang pangkapayapaan sa loob ng tatlong buwan ay upang magkaroon ito ng panahon na maglunsad ng opensiba sa NPA. Ang pagkamatay ng mga pulis ay bunga ng paglulunsad ng nasabing opensiba.
-Ric Valmonte