NAGLABAS ng pahayag ang Makati Business Club nitong nakaraang linggo na humihikayat sa Presidential Electoral tribunal (PET) na gamitin ang kaparehong pamantayan sa isinasagawang recount para sa boto ng bise presidente na ginawa ng Commission on Elections (Comelec) noong halalan noong 2016.
Hindi isang isyu sa negosyo o ekonomiya ang PET recount, ngunit sinabi ng Makati businessmen na kailangan nilang magsalita dahil sa “political stability and consistency in the laws, regulations, and policies are the cornerstones that have produced the business confidence, job creation, and strong growth of recent years.”
Nang idaos ng bansa ang unang awtomatikong halalan noong 2010, nagpalabas ng pamantayan ang Comelec, na pinamumunuan noon ni Chairman Jose A. R. Melo, para sa halalan at kabilang na rito ang mga alituntunin sa kaso ng recount. Isinasaad sa alituntunin na kinakailangan 50 porsiyentong markahan ng isang botante ang oval na nakatapat sa pangalan ng kandidato. Gayunman, idinagdag din dito na sa isang recount “the will of the voters reflected as votes in the ballots shall, as much as possible, be given effect, setting aside any technicalities.”
Sa sumunod na pangpanguluhang eleksiyon noong 2016, inaprubahan ng Comelec, na pinamumunuan noon ni Chairman Andres Bautista, ang bagong resolusyon na nagsasaad na isang reklamo ng recount, kailangan ang 25% na pagmamarka sa oval ang bagong pamantayan. Maaaring ito ay dahil napansin ng ahensiya na hindi minamarkahan ng mga botante ang 50% ng oval, na kadalasan ay nilalagyan na lamang ng tsek.
Ang bagong pamatayan na 25% pagmamarka ang ginamit ng Comelec sa halalan noong 2016 na nagluklok kina Pangulong Duterte, Vice President Robredo at ang 12 senador. Iprinotesta ni Marcos ang pagkapanalo ni Robredo— na walang kaugnayan sa kaso ng porsiyento ng pagmamarka—at sinimulan nga ng PET ang recount sa piling probinsiya.
Ngunit ipinag-utos ng PET na tanging ang mga oval lamang na may 50% marka ang mabibilang bilang pagsunod sa orihinal na resolusyon ng Comelec noong 2010. Inihayag nitong hindi nila batid na may bagong resolusyon ang Comelec para sa halalan noong 2016, na nagtatakda ng 25% pagmamarka. Samakatuwid, sa nakalipas na mga buwan ng recount, lalabas dito ang kabuuang kaiba sa resulta ng pagbibilang ng Comelec.
Sa ngayon, abala ang PET para sa pagpapatupad ng mga utos para sa lahat ng may kaugnayan sa pagsunod sa itinakdang pamatayan. Kapwa inakusahan ng kampo Marcos at Robredo ang isa’t isa ng paglabag sa pamantayan. Dapat nating isagawa ang recount nang walang halong komento at demandahan ng magkabilang panig gayundin ng kanilang mga tagasuporta.
Ngunit ang mas mahalaga ay kinakailangang sundin ng PET ang pamantayang ginagamit ng Comelec para sa pagbibilang. Kung hindi, ang buong halalan—kabilang ang presidente at mga senador—ay makukuwestiyon, tulad ng sinabi ng Makati Business Club nitong nakaraang linggo. At hahantong ito sa kawalan ng bisa ng naunang kautusan.