Sinabi ng Malacañang na hindi matutupad ang pangarap ni Communist Party of the Philippines (CPP) founder Jose Maria “Joma” Sison na mapabagsak ang gobyerno.

Ito ang ipinahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque matapos sabihin ni Sison na titigil ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) sa pagdaos ng peace talks sa gobyerno ng Pilipinas sa ilalim ng liderato ni Pangulong Rodrigo Duterte, at patatalsikin siya.

Sa press briefing sa Southern Leyte, sinisi ni Roque si Sison sa nabigong peace talks sa pagitan ng gobyerno at mga komunistang rebelde, dahil tiniyak naman ni Duterte ang kaligtasan nito.

“Hindi po kasalanan ng gobyerno na hindi natuloy ang peace talks. Si Joma Sison po ang umayaw. Tayo po’y mga Pilipino, ang sinasabi po ng Presidente, dito tayo mag-usap ng kapayapaan,” aniya.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Tinawag din ng opisyal ng Palasyo na arogante ang CPP founder sa pagnanais na pabagsakin ang gobyerno ng Pilipinasa sa loob ng mahigit 50 taon.

“Mayabang po talaga si Joma Sison. Akala niya siya ang savior ng bansa. Eh mantakin niyo, eh patatalsikin daw nila si Presidente, hindi raw matatapos ang termino ,” ani Roque.

Sinabi rin ng dating mambabatas na hindi maisasakatuparan ni Sison ang pangarap nitong pabagsakin ang gobyerno ng Pilipinas.

“Joma Sison, gumising ka na, managinip ka na. Hindi ka pupwedeng magtalsik ng gobyerno habang ikaw ay nasa Europa. Napakatagal mo na diyan umuwi ka dito at ikaw ay mamuhay dito sa Pilipinas nang makita mo iba na ang kondisyon,” aniya.

“’Yong mga pinapanaginip mo hindi na mangyayari. Palibhasa napakatagal mo diyan nagpapasasa sa ibang lugar, hindi mo na alam kung ano ang kondisyon dito sa Pilipinas,” dugtong niya.

Ayon kay Roque, dapat nang bumalik sa Pilipinas si Sison kung talagang nais nitong maghatid ng positibong pagbabago sa bansa.

“Umuwi ka dito at maging bahagi ka ng pagbubuo ng isang mas komportableng bayan para sa lahat ng sambayanang Pilipino,” aniya.

-Argyll Cyrus B. Geducos