Aabot sa P3.4 milyong halaga ng umano’y shabu ang nasamsam sa dalawang overseas Filipino workers (OFWs) at sa isa nilang kasama sa buy-bust operation sa isang mall sa Las Piñas City, nitong Linggo ng hapon.
Nasa kustodiya ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga suspek na sina Laila Dolly Kamsa, 29; at Monina Kiaban Kusin, alyas Bai, 28, kapwa OFW ng Block 3 Lot 6, Everlasting Homes, Las Piñas City; at Kristinelyn Bermejo, 22, tubong Maguindanao, nakatira sa Block 12 Lot 5, Barangay Talon 4 ng nasabing lungsod.
Sa ulat ni PDEA Director Aaron Aquino, nagsanib-puwersa ang PDEA at Las Piñas City Police at nagsagawa ng operasyon sa paradahan ng isang mall sa Alabang-Zapote Road, Pilar Village, sa Bgy. Almanza Uno, bandang 12:30 ng hapon.
Isang pulis ang nagpanggap na buyer ng P1.5 milyong halaga ng shabu sa tatlong suspek. Inabot umano ni Kusin ang droga sa poseur buyer at tuluyang inaresto ang tatlo.
Nasamsam sa mga suspek ang 500 gramo ng umano’y shabu, na nagkakahalaga ng P3.4 milyon, na nakasilid sa isang baunan at ang P1.5-M buy-bust money.
Kakasuhan ang mga suspek ng kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
-Bella Gamotea