TANAUAN CITY, Batangas - Nagluluksa ngayon ang buong Tanauan City sa pagkakapaslang sa tinatawag nilang “Ama ng Tanauan City” na si Mayor Antonio Halili, na binaril sa tabi ng city hall sa Barangay Natatas, kahapon ng umaga.
Umaawit pa si Halili, 72, tubong San Antonio, Nueva Ecija, ng “Lupang Hinirang”, kasama ang mga kawani nang barilin ito ng hindi nakilalang lalaki sa flag-raising ceremony.
“Ayos siyang magpalakad, ‘yung mga droga dito nalutas niya,” sabi ni Ramon Villamin, 61, isa sa mga residente ng Bgy. Poblacion.
Tinagurian naman ni Irene Alcantara, 56, ng Bgy. Balele, na “action man” si Halili dahil sa agaran nitong paglutas sa mga usapin.
Gayunman, tumanggi si Alcantara na magkomento tungkol sa kontrobersiyal na “walk of shame” campaign ni Halili, na hindi niya sinasang-ayunan.
Sa kanyang walk of shame, ipinaparada ng alkalde sa lungsod ang mga nahuhuling crime suspect, habang nasasabitan ng karatula tungkol sa umano’y ginawang krimen, bilang parusa.
Pabor naman dito ang municipal employee na si Hospicio Salazar, 62, sinabing tama lang iyon upang matakot ang mga nagpaplabong gumawa ng krimen.
Pusong-mamon at masayahin. Ganito naman inilarawan ng 55-anyos na photographer na si Jun Mojares ang alkalde.
“I am always with him almost every day for 5 years. He was very vocal in telling us he was receiving threats,” ani Mojares.
Aniya, nag-umpisang makatanggap ng banta sa buhay ang alkalde nang simulan nito ang giyera kontra droga nang maluklok sa puwesto noong Hulyo 2013.
Sa kabila nito, napabilang si Halili sa sinasabing narco-list ni Pangulong Duterte, at binawian pa nga ng police power noong Oktubre 2017 dahil dito.
-Lyka Manalo