TULAD ng paniniwala ng marami nating kababayan, ang panahon ay nagbabago. Bunga ng pagbabago ng panahon, unti-unting napalitan ng paghihirap ang nadamang kasaganaan at ginhawa. Bago natapos ang dekada 50, naramdaman na ang hirap ng panghuhuli ng mga isda sa Laguna de Bay. Marami nang mga pukot at iba pang uri ng pamalakaya ang itinabi at ipinagbili. Mabibilang noon sa daliri ng kamay ang naglalabas ng pukot sa lawa. Pati na ang industriya ng pag-aalaga ng mga itik ay unti-unting nadama ang paghina at pagbagsak o pagkalugi.
Ang paghihirap ng hanapbuhay sa Laguna de Bay ay lalong tumindi nang sumulpot na parang mga kabute ang mga fishpen sa lawa. Habang unti-unting binabakuran ng mga fishpen operator ang daan at libong ektarya ng fihpen ang iba’t ibang bahagi ng Laguna de Bay, patuloy na lumiit ang lugar na pangisdaan ng mga naghihirap nang mangisngisda sa Rizal at Laguna.
Lalong bumigat ang paghihirap ng mga mangingisda nang itayo ang “Hydraulic Channel Structure” sa may bukana ng ilog-Pasig noong 1980 na lalong kilala sa tawag na “Napindan Channel”. Ginastusan ng mahigit na P220 milyon ang proyekto na inutang ng pamahalaan sa isang international bank. Mula noong 1983 hanggang 1986, ang Napindan Channel ay itinuring na isang dambuhalang sumakal at kumitil sa kinabukasan ng mga mangingisda sapagkat pinigil nito ang paglabas ng tubig-alat sa lawa. Lumabo ang tubig at kumapal ang mga water lily.
Natuklasan at nabunyag na ang “Napindan Channel” ay itinayo para sa kapakanan ng mga fishpen operator na ang marami ay tuso at sakim.
At nang lumaon, naapektuhan na rin sila ng paglabo ng tubig sa Laguna de Bay. Bumagal ang paglaki ng kanilang mga alagang isda. Bumagsak ang iba hanggang sa abutin ng EDSA Revolution. Nagbago ang pamunuan ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) at nabuhay ang pag-asa ng mga mangingisda sa Laguna de Bay. Hiniling nila sa bagong pamunuan ng LLDA na buksan ang Napindan Channel, na tinugunan naman. Muling pumasok sa lawa ang tubig-alat. Luminaw ang tubig sa lawa at muling dumami ang mga isda. Ngunit ang pagdami ng mga isda ay hindi tumagal ng isang taon.
Ang nabuhay na pag-asa ng mga mangingisda sa Laguna de Bay ay sandali lamang sapagkat walang gaanong ipinagbago ang patakaran ng LLDA. Habang nagbabalita na sila’y nagbubuwag ng mga illegal fishpen, patuloy na napansin ang pagtatayo naman ng mga bagong fishpen ng ilang maimpluwensiya at makapangyarihang pumalit sa bagong gobyerno.
Nalansag lamang ang anga nabanggit na fishpen nang magkaroon ng sunud-sunod na malakas na bagyo. Nagiba at nawasak ang mga itinayong fishpen. Nalugi ang mga fishpen operator. Dahil sa nasabing pangyayari, ang mga naluging fishpen operator ay hindi na muling nagtayo ng fishpen. Nagbago sila ng hanapbuhay at negosyo. Nagtayo ng mga poultry farm o manukan at babuyan sa Tanay, Baras, Pillilla, Morong, Jalajala at iba pang bayan sa Laguna.
Naging “malaya” ang pagkilos at pagbabalik sa lawa ng mga mangingisda. Tila napawing mga unos ang naging karanasan nila sa lawa sa panahon ng rehimeng Cory Aquino. Ang ibang mga mangingisdaay ay muling nabuhayan ng bagong pag-asa, magandang pananaw sa buhay at pagtitiwala sa mga namamahala sa lawa.
Kung ang Laguna de Bay noon ay may lawak na mahigit na 90,000 ektarya, ngayon ay nabawasan na at patuloy na nababawasan ang lawak nito sapagkat ang kumating baybayin ng lawa kung tag-araw ay tinatabunan at binabakuran at napatituluhan ng mga maimpluwensiyang negosyante. Idagdag pa ang tinabunang bahagi ng lawa na ginawang Laguna Lake Expresway (C-6) mulaTaytay hanggang Taguig. At ang nire-claim ng dalawang trash-hauling firm, na ginawang tapunan at tambakan ng basura. Mabuti na lamang at kinasahan na ng LLDA.
-Clemen Bautista