DATING assistant director ni Inang Olive Lamasan ang baguhang direktor na si Giselle Andres. At isang malaking break para sa kanya na ipinagkatiwala sa kanya ng Star Cinema ang pelikulang I Love You Hater, starring Kris Aquino at ang isa sa hottest love team today na sina Joshua Garcia at Julia Barretto.
Knowing Kris na mabusisi sa mga katrabaho, overwhelmed si Direk Giselle na pumayag ang Queen of All Media na magpadirek sa kanya, kahit pa baguhan lang siya.
Anong pakiramdam na isang Kris Aquino at ang JoshLia ang bida sa una niyang pelikula?
“Natakot ako nung simula,” bungad ni Direk Giselle.
Inamin ng direktor na nang malaman niyang siya ang magdidirehe ng I Love You Hater ay nag-alanganin siya kung papayag si Kris.
“Nung sinabi na siya ‘yung kukunin, ang tanong ko kaagad, papayag ba ‘yon, eh, Kris Aquino siya, ‘di ba? Tapos baguhan lang ako, at hindi niya pa ako nakakatrabaho. So, nung tinanggap niya itong pelikula nagulat talaga ako,” paliwanag ni Direk Giselle.
Habang ginagawa raw nila ang I Love You, Hater ay nagbago ang tingin niya kay Kris, matapos niyang mapatunayan na magaan itong katrabaho.
“Nung sinabi ni Kris na ‘na-miss kong magpelikula’, natuwa ako kasi parang feel na feel niya talaga na professional ‘yung mga tao, kasi parang na-miss niya ‘yung ang liliit na bagay.
“Na-miss niya ‘yung nagma-marker, pailaw, may sukat, nakakatuwa. So, wala akong naging problema sa kanya. Nakakatuwa kasi hindi ko po akalain na madali siyang kausap.
“Akala ko kasi talaga parang ano siya, akala ko talaga mahirap, pero hindi pala. ‘Yon po, very happy ako na nakatrabaho ko siya, and makikita n’yo naman po kung ano ‘yung kinalabasan ng pagtatrabaho namin dito sa I Love You, Hater.”Ano ba ang gusto niyang ma-achieve sa pelikulang idinidirek niya?
“Ako po, kunwari sa pelikula, ang gusto ko lang naman po lagi ay maging relatable siya. Like, sana kapag pinanood nila ito maka-relate sila sa characters.
“Tapos sa cast po, ang goal ko lang naman po lagi ay to bring out the best in them. But at the same time, sana kahit papaano something new. Kung hindi man something new as a character, something new sa perspective ng pag-arte or kung paano mag-portray nung character,” paliwanag ni Direk Giselle.
Palabas na ang pelikulang I Love You Hater in cinemas nationwide sa July 11.
-ADOR V. SALUTA