Laking-gulat at pasasalamat ng isang negosyanteng barangay kagawad sa Llanera, Nueva Ecija makaraang isauli sa kanya ng isang pulis ang sling bag na naiwan niya nitong Biyernes sa isang ATM booth na naglalaman ng P550,000 cash.

Kinilala ni Senior Insp. Romeo C. Yutuc, hepe ng Llanera Police, ang nawalan ng sling bag na si Herminia Flaminiano, 43, kagawad ng Barangay Plaridel, habang ang nagsauli ay si SPO1 Gerald Paul Cayog, nakatalaga sa Llanera Municipal Police.

Ayon kay Yutuc, nagpapatrulya si Cayog sa palengke nang mapadaan sa ATM booth ng GM Bank para mag-withdraw hanggang makita niya ang sling bag sa sulok ng booth.

Nang buksan ay tumambad sa pulis ang pera, mga ID at iba pang mahahalagang dokumento na pagmamay-ari ni Flaminiano.

National

Sen. Bong Go, pinakiusapan si Sen. Imee na pagkasunduin muli sina PBBM, VP Sara

Kaagad na tinawagan ni Cayog si Flaminiano at ipinaalam na napulot niya ang sling bag ng huli.

Kuwento naman ni Flaminiano, nagmamadali siyang umalis sa nasabing ATM booth nitong Biyernes ng umaga, sakay sa kanyang motorsiklo kaya naiwan niya ang kanyang sling bag.

Pinuri naman ni Senior Insp. Yutuc ang kanyang tauhan dahil sa katapatan nito, at inirekomenda sa Police Regional Office (PRO)-3 at Nueva Ecija Police Provincial Office na pagkalooban si Cayog ng One Commendable Act recognition

-Light A. Nolasco