BINUKSAN ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) kamakailan ang pinakamalaking mock village exhibit na nagpapakita ng iba’t ibang kultura, tradisyon, kasaysayan at pagkakaisa ng mga mamamayan ng Bangsamoro.
Layunin ng exhibit na ipasilip sa publiko ang mayaman na kultura ng Bagsamoro at ibigay ang makatotohanang presentasyon ng pagkakaisa sa gitna ng pagkakaiba ng kultura ng mga tao sa rehiyon. Maaari rin umanong matuto ang indibidwal, moro man o hindi, na dadalo sa pagdiriwang.
Matatagpuan ang exhibit sa loob ng Shariff Kabunsuan Complex, ang provisional set ng ARMM sa lungsod, na nagpapakita ng replica ng komunidad na nagrerepresenta ng limang probinsiya ng rehiyon; ang Maguindanao, Lanao del Sur, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi.
“The models of the villages were set up not just for mere appreciation, but for people to have a deep understanding of the various cultures of the region,” pahayag ni ARMM Governor Mujiv Hataman.
Kabilang sa mga makikita sa mock cultural villages ang exhibit ng probinsiya ng Maguindanao na nangangahulugang “flood plain.”
Sasalubungin ang mga bisita ng malaking “Kampilan” o isang espada na preserved artifacts na, ayon sa kasaysayan, malawakang ginagamit noong panahon ng digmaan.
Sentro rin ng atraksiyon sa exhibit ang replica ng Tulugan o Bahay ng Sultan na simbolo pamahalaan ng mga Maguindanaon.
Makikita sa loob ng Tulugan ang pinakamahahalagang instrumento ng tribong Maguindanaon—ang Kulintang na binuo gamit ang limang instrumento, kabilang ang kulintang (a series of eight graduated gongs), agong (wide-rimmed gong), dabakan (goblet-shaped drum), gandingan (set of four thin-rimmed gongs), at ang babandir (small thin-rimmed gong).
Napupuno ng makukulay na tradisyunal na kagamitan ng mga Maguindanaon ang buong Tulugan tulad ng Inaul, Tudung, at Galang. Kabilang din sa mga makikita ang mga kagamitang tanso tulad ng lutuan, lutuan (silver-inlaid betel box), gadur (food containers with minaret-like tops), at panalagudan (pot holders).
Ang mga kagamitang ito ay kalimitang dekorasyon sa mga tahanan ng mga Maguindanaon na nagpapakita ng kanilang kayamanan at kalagayan sa lipunan. Ang mayaman na kultura ng Maguindanaon ay isa lamang sa napakaraming bagay na makikita sa ARMM village exhibit.
Sa pamamagitan ng exhibit, mararanasan ng mga tao, lalo na ang mula sa labas ng rehiyon, kung paano maging bahagi ng magkakaiba ngunit nagkakaisang komunidad ng Bangsamoro.
-Bureau of Public Information-ARMM/ PNA