KIDAPAWAN CITY – Patay ang dalawang motorista habang sugatan ang 10 iba pa sa tatlong magkakahiwalay na aksidente sa Kidapawan- Makilala highway, simula nitong Sabado, base sa ulat.

Nasawi ang dalawang motorista nang magsalpukan ang kani-kanilang motorbike sa Ilomavis Tourism Road sa Kidapawan City, dakong 1:00 ng madaling araw nitong Lunes.

Kinilala ni Supt. Ramel Hojilla, city police director, ang mga namatay na sina Chin Lee Galvez Treyes, 18, ng Samonte Subdivision, Poblacion dito; at Mosatar Dela Cerna, 29, ng Barangay Kibia, Matalam.

Ayon kay Hojilla, patungo si Dela Cerna sa Bgy. Ilomavis habang si Treyes ay pabalik na sa Poblacion nang maganap ang insidente.

Probinsya

Problema ng pagbaha sa Rizal, dapat pangunahan ng angkan ng Ynares at Duavit —De Guzman

Samantala, sugatan ang walong katao nang magbanggaan ang dalawang pampasaherong van sa Bgy. Binoligan nitong Sabado, dakong 9:00 ng gabi.

Sa mga sugatan, anim ang pasahero, base sa report.

Sa ulat, sinalpok ng Toyota Hi Ace van (LGY 435), na minamaneho ni Alan Rex Serapion, ng Kabacan, Cotabato, ang isa ring Hi- Ace van (1101-294854) na minamaneho naman ni Bong Tembal Takbir, ng Datu Paglas, Maguindanao.

Isinugod ang mga sugatang pasahero, kabilang ang mga driver, sa magkakaibang ospital sa Kidapawan City.

Sa Makilala, North Cotabato, dalawang motorista ang nagtamo ng sugat sa iba’t ibang parte ng katawan nang bumangga ang kanilang sasakyan sa Makilala highway nitong Sabado, base sa ulat ng Traffic Division.

Kinilala ang mga sugatan na sina Antonio Feria Gajeton, 51, ng Bgy. Bulakanon, Makilala; at Arnel Badana Pecaña, 40, miyembro ng Philippine Army mula sa Poblacion-B, M’lang.

-Malu Cadelina Manar