“YAMANG ang administrasyong Duterte ay mahigpit na ipinatutupad ang kampanya laban sa ilegal na droga, ang mga opisyal ng gobyerno ang unang dapat magpakita na sumusunod sila sa batas,” sabi ni Senador Sherwin Gatchalian. Gawin natin, aniya, na sapilitan ang pagpapa-drug test mula sa Pangulo ng bansa hanggang sa kagawad bago sila manungkulan. Gawin daw ito tuwing isang taon. “Magandang nakikita ng mamamayan na ang kanilang mga opisyal ay kusang sumasailalim sa drug test,” dagdag pa niya. Reaksiyon ito ni Sen. Gatchalian at iba pang mga Senador sa mungkahi ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers sa mababang kapulungan ng Kongreso.
Sumasang-ayon si Senate President Vicente Sotto III sa planong ito. “Katunayan nga,” wika niya “nais kong isama bilang probisyon ng Comprehensive Drugs Act na ang lahat ng mga kumakandito sa mga posisyon sa gobyerno ay dapat magpa-drug test, kaya lang idineklara itong unconstitutional ng Korte Suprema.” Dahil ang public office ay public trust, naaayon lang ang pagpapa-drug test ng mga taong gobyerno, ayon naman kay Sen. Joel Villanueva.
Hindi nagdaraan ang araw na walang naiuulat na drogang nasabat o nakumpiska ang mga awtoridad. Naglalakihan pa ang halaga ng mga ito. May mga napapatay pa sila sa layunin nilang linisin ang lipunan ng mga droga. Bakit nga ba sa kabila ng pagsisikap nilang ipairal nang lubusan ang war on drugs ng administrasyon, ay lalo yatang kumakalat at sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila at karatig pook ang mga droga. Saan nanggagaling ang mga ito? Wala namang napabalitang may mga laboratoryo nang nasalakay ang Philippine Drug Enforcement Agency. Mayroong mga nasabat na droga sa paliparan na tinangkang ipasok sa bansa. Hindi kaya mas nauna nang naipuslit ang mas malaking bahagi ng shipment at iyong nasabat ay momo lamang?
Ang sinasabi ng Pangulo, sa pagsugpo niya sa droga, ay ang paggiba ng estruktura ng sindikato na sangkot sa paggawa at pagkalat ng droga, kaya inumpisahan niya ang war on drugs sa pagdakip sa mga nagkakalat at gumagamit nito na nasa mga dukhang lugar. Napakarami ang napatay na dahil sa umano ay nanlaban ang mga dinarakip. Ang malaking problema ay walang bisa ang paraang ito para masawata ang droga. Matatapang ang patuloy na nagbebenta at nagkakalat ng droga. Bakit hindi sila natatakot mapatay gayong walang tigil naman ang pagpatay sa mga taong kagaya nila?
Magandang simulan ang war on drugs sa mga taong gobyerno mula sa Pangulo hanggang sa Kagawad ng Barangay. Magpa-drug test sila, tulad ng iminumungkahi ni Sen. Garchalian. Kahit paano sa paraang ito ay maaalis ang pagdududa ng mamamayan na may kaugnayan sila sa droga. Na walang kinalaman ang kanilang gobyerno na pumapatay sa kanila. Katanggap-tanggap iyong mungkahi ni Sen. Trillanes na pangunahan ng Pangulo ang pagsailalim sa drug test, lalo na ngayon na sa galit niya sa isang grupo, pati ang Diyos ay tinatawag niyang “stupid”.
-Ric Valmonte