Bumaba ng 50 porsiyento ang naitalang murder at homicide cases sa National Capital Region (NCR), sa unang anim na buwan ngayong taon.

Gayunman, sa datos na inilabas ng National Capital Regional Police Office (NCRPO), mataas pa rin ang kaso ng pamamaslang para sa unang dalawang taon ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte kumpara sa huling dalawang taon ng nakaraang administrasyon.

Naitala na mula Hulyo 2014- Hunyo 2016, nasa kabuuang 1,621 ang murder cases sa Metro Manila at tumaas pa ito sa 3,435 o 112 porsiyento mula Hulyo 2016- Hunyo 30 ngayong taon.

Idinahilan ng mga kritiko ng pamahalaan ang ipinatupad na giyera sa droga ng administrasyon, na sinimulan noong Hulyo 2016, kung saan iniulat na pinagpapatay ng mga vigilante group ang mga suspected drug pusher at user.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ayon sa NCRPO, mula sa 832 ay bumaba sa 451 ang murder case sa Metro Manila, mula Enero-Hunyo 2017 kumpara sa kaparehong panahon ngayong taon o 54 porsiyento ang ibinaba.

Bumaba rin ng 45 porsiyento ang naitalang homicide cases na mula 242 nitong nakaraang taon ay naging 108 ngayong taon.

Naitala rin ang pagpatay sa 4,200 suspected drug pushers at users sa iba’t ibang police operations sa NCR mula nang ilunsad ang pinaigting na kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot kung saan 60 pulis naman ang napapaslang sa kaparehong panahon.

-Aaron Recuenco