IPINAGDIRIWANG ngayong 2018 ang ika-35 anibersaryo ng Lami-Lamihan Festival, na inilunsad noong 1983 ni dating Lamitan City, Basilan Mayor Wilfredo C. Furigay.

DSC00540

Ang selebrasyon sa pagsilang ng tribung Lamitan, kasabay ng pambansang polisiya sa pagsusulong ng mayamang kultura na pamana ng mamamayan nito, ay kinilala ng Department of Tourism at opisyal nang napabilang sa listahan ng Philippine Festivals and Events Calendar.

Taong 1886 nang itatag ni Pedro Javier Cuevas, mas kilala bilang Datu Kalun sa mga Yakan, ang Lamitan. Sa kanyang panahon, ang terminong “Paglami-lamihan” ay tumutukoy sa pinagsamang pulong at kasiyahan tuwing magsasama-sama ang mga pinunong Yakan matapos ang saganang pag-aani ng palay, at tinatampukan ng mga sayawan at musika. Ipinamamalas ng kababaihan ng tribo ang kanilang kakayahan sa paghahabi ng makukulay at naggagandahang tela, na ginagawa nilang kasuotan.

Tsika at Intriga

Tito Mikee kinuha lang daw 13th month pay, Christmas bonus bago nag-resign

Sinasabing nang dumating ang mga Espanyol sa lugar ay ipinagdiriwang ng mga Moro ang nasabing katutubong kapistahan. Tinanong ng mga dayuhang manlalakbay kung ano ang pangalan ng lugar, subalit inakala ng mga katutubo na inuusisa ng mga bagong dating ang tungkol sa kapistahan kaya sumagot sila ng, “Paglami-lamihan”. Itinala naman ng mga Espanyol ang pangalan ng lugar bilang “Lamitan”, batay sa pagkakaintindi nila sa isinagot ng mga katutubo.

Sa ngayon, ang Lami-Lamihan Festival ay idinadaos taun-taon, tuwing huling linggo ng Hunyo, kasabay ng kapistahan ng siyudad tuwing Hunyo 29. Pangunahing tampok sa kapistahan ang pangangalaga at pagsusulong ng pamanang kultura ng Yakan, gaya ng mga kaugalian, tradisyon, at kasaysayan, at partikular na itinatampok ang kakaiba at kilala sa buong mundo na paghahabi ng makukulay na telang Yakan, habang malugod na tinatanggap ang mga bisita para panoorin ang mga katutubong pagtatanghal.

Kabilang sa mga pagtatanghal tuwing kapistahan ang popular na Yakan war dance na Tumahik ng mga katutubo, isinasadula ang paglalaban para maresolba ang mga hindi pagkakasundo noong sinaunang panahon; ang mabining pag-indak ng mga dalaga sa saliw ng tunog ng agong, kulintangan, gabbang, at kuliang; ang tunog ng pambihirang pagsasama-sama ng pagtugtog ng mga katutubo ng iba’t ibang musical instruments; ang mahuhusay na mananayaw na Yakan, at ang orihinal na kasalang Yakan.

Para sa Lami-Lamihan Festival 2018, hindi napigilan ng pag-uulan ang dagsa ng mga nais makibahagi sa iba’t ibang aktibidad. Naroon din ang mga turistang nagmula sa labas ng Basilan.

Itinampok din ang mga sports competition, kabilang ang national motocross, karera ng mga pedicab, at gay walkathon, bukod pa sa makulay na parada ng mga float at street dancers.

-Sinulat at mga larawang kuha ni JINKY LOU A. TABOR